KUNG hindi ka susulyap sa team standings sa kalagitnaan ng elimination round ng 2016-17 PBA Philippine Cup at tatanungin ka kung ano ang dalawang koponang nasa itaas, malamang na ang unang babanggitin mo ay San Miguel Beer.
Mangyari, ang Beermen ang defending champion ng torneo at napakalakas ng koponang hawak ni coach Leovino Austria. Biruin mong sila ay pinamumunuan ng higanteng si June Mar Fajardo na nagwagi bilang Most Valuable Player sa huling tatlong seasons.
Kasama ni Fajardo ang mga beteranong sina Arwind Santos, Chris Ross, Alex Cabagnot, Marcio Lassiter at Ronald Tubid. Naidagdag sa lineup ang 6-foot-8 rookie na si Arnold Van Opstal at guwardiyang si RR Garcia. At hindi basta-basta ang mga kumukumpleto sa bench ng San Miguel Beer. Kaya naman namamayagpag ang tropa ni Austria sa kartang 4-1.
So, mas nakakagulat kung hindi number one team ang San Miguel Beer, hindi ba?
E, sino ang sumesegunda sa San Miguel Beer?
Esep-esep!
Malamang na kahit na bigyan ka ng limang choices at banggitin mo lahat, hindi mo pa rin makukuha ang tamang sagot.
Blackwater!
Ha? Pakiulit! Paano nangyari iyon?
Well, nakuha ng Blackwater ang manlalarong makakatulong sa kanilang pag-angat buhat sa pangungulelat sa huling dalawang seasons. Nahagip nila sa nakaraang amateur draft si Mac Belo at hindi na pinakawalan pa.
Isa pang rookie na nadampot nila sa second round ay si Raphael Banal na naglaro ng college ball sa Estados Unidos.
Bukod kay Belo ay marami pang ibang manlalarong naidagdag sa kanyang lineup si coach Leo Isaac tulad nina Dylan Ababou, James Forrester at Ronjay Buenafe.
Noong nakaraang season ay naidagdag sa lineup sina Art dela Cruz at Dennis Miranda.
Aba’y kahit na nagtamo ng injury ang sentrong si JP Erram at naipamigay ang isa pang big man na si Frank Golla ay rumeresponde naman ang mga naiwang sina James Sena, Reil Cervantes at Raymond Aguilar.
Sinimulan ng Elite ang kanilang kampanya sa pamamagitan ng pagposte ng panalo kontra sa Phoenix (94-87) at Meralco (86-84).
Pero matapos iyon ay pinabagsak sila sa lupa ng TNT KaTropa (99-92) at Rain or Shine (107-93).
Inakala ng karamihan na tapos na ang pagpapasiklab ng Elite at ningas cogon lang ang lahat. Pero nagkamali sila.
Sa halip ay nakaresbak ang tropa ni Isaac at nagwagi sa huling dalawang laro nila laban sa NLEX (96-85) at Globalport (99-91). Ang mga ito ay mga koponang hindi pa nila tinatalo mula nang maging miyembro ng liga.
Bukas ay makakaengkwentro nila ang nangungulelat na Mahindra Flood Buster at inaasahang mamamayani sila kung hindi sila magkukumpiyansa nang husto.
Sakaling wakasan nila ang 2016 nang may 5-2 karta, aba’y parang sigurado na silang papasok sa Top Eight sa dulo ng elims. Pero siyempre, ang target nila ay Top Four. At magagawa nila iyon kung hindi sila magpapabaya at mananatiling mataas ang kanilang hangaring mamayagpag!