Win No. 4 target ng Globalport Batang Pier, Blackwater Elite
Mga Laro Ngayon
(The Arena, San Juan)
4:15 p.m. Meralco vs Phoenix Petroleum
7 p.m. GlobalPort vs Blackwater
Team Standings: San Miguel Beer (4-1); GlobalPort (3-1); Blackwater (3-2); TNT (3-2); Star (3-2); Rain or Shine (3-2); Alaska (3-2); Meralco (2-2); Barangay Ginebra (2-3); Phoenix (2-3); NLEX (1-4); Mahindra (0-5)
KAPWA tatangkain ng GlobalPort Batang Pier at Blackwater Elite ang ikaapat na panalo sa kanilang pagsagupa sa PBA Philippine Cup ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Maghaharap ang GlobalPort at Blackwater umpisa alas-7 ng gabi pagkatapos ng alas-4:15 ng hapon na laro sa pagitan ng Meralco at Phoenix Petroleum.
Kapag nanalo ang Batang Pier ngayon ay makakasalo nila sa liderato ang San Miguel Beermen na may 4-1 baraha.
Kapag Blackwater naman ang mananalo ay aangat ito sa 4-2 baraha at maookupahan nito ang solong ikalawang puwesto sa team standings.
Isa sa mga balakid ng GlobalPort sa misyon nitong makisalo sa liderato ay ang prize rookie ng Blackwater na si Mac Belo, ang dating kamador ng Far Eastern University sa UAAP.
Si Belo ang isa sa mga dahilan kung bakit tinatamasa ngayon ng Elite ang pinakamaganda nitong umpisa sa torneo sapul nang sumali ito sa liga noong 2014.
Pinangunahan ni Belo ang 96-85 panalo ng koponan kontra NLEX noong Biyernes.
“We know that this is a rare situation for us. The players know what’s at stake and they know that they have to work hard for it,” sabi ni Blackwater head coach Leo Isaac na sinabing pakay nilang tapusin ang taon na may 5-2 kartada.
Makakasagupa ng Elite ang wala pang panalong Mahindra Flood Buster (0-5) sa darating na Linggo.
Pero hindi magiging madali ito para sa Elite dahil kasalukuyang naglalaro ng mahusay ang Batang Pier.
Huling binigo ng GlobalPort ang kampeon sa Governors’ Cup na Barangay Ginebra noong Biyernes, 91-84, sa likod nang pagragasa ni Terrence Romeo na tumira ng conference-high 35 puntos. Tumulong sa kanya si JR Quinahan na umiskor ng 15 puntos at si Stanley Pringle na gumawa ng 12 puntos.
“We will be playing a vastly improved team so its important for us to have a good start and continue trying to hold down our opponent,” sabi ni Batang Pier coach Franz Pumaren.
Samantala, pilit na babangon ang Meralco buhat sa 81-79 kabiguan sa Alaska noong isang linggo, gayundin ang Fuel Masters na galing sa kambal na kabiguan laban sa Star, 123-79, at TNT KaTropa, 117-98.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.