‘Change’ ni Duterte nagsisimula pa lang

 

THE biggest and the loudest word for the year 2016 is the word CHANGE.

May pangalan ang pagbabagong ‘yan at ang pangalan ay Rodrigo Duterte, pangulo ng Republika ng Pilipinas.

Anim na buwan mula nang manungkulan si Duterte bilang pangulo, naganap ang isang pagbabago na hinahangaan ng mga tagasuporta at binabatikos naman ng kanyang mga kritiko.
Ngunit sa tunggalian ng pananaw ng mga tagahanga at kritiko, ano ba talaga ang katotohanan hinggil sa multi-bilyong pisong negosyo ng ilegal na droga sa bansa?
Ilan sa mga totoong kuwento na nalaman ko sa kampanyang ito ang aking ibabahagi; at may ilang katanungan din.
Minsan, nag-shooting kami sa isang depressed area sa Metro Manila. Isang labandera ang itinama ang repacking ng tawas na kunwari ay shabu na ginagawa ng isang miyembro ng Art Department.
“Hindi ganyan, ang sekator o katorse na tinatawag, ganito, lang, dapat mas kaunti.” Di ako nakatiis, nagtanong ako. “May nagbebenta pa ba rito ng shabu?” Sumagot ang labandera, “tumumal lang, meron pa rin, nag mahal, dati puwede na ang P200, ngayon, ni sekator, di ka na makakabiyahe.”
Alam na alam na ng publiko ang kuwento kung paano pinatatakbo ang operasyon ng ilegal na droga mula sa Bilibid Prisons. Yun ang nalantad. Pero alam ninyo bang sa drug matrix, may Binondo Group na hindi pa nabubunyag? Nabulabog din ba ang operasyon nito tulad nang pagkabulabog ng operasyon ng mga drug lords na nakapiit sa Bilibid?

Alam ninyo bang may 15 offshore bank accounts na kinumpirma si Justice Secretary Vitaliano Aguirre nang minsang makapanayam namin sa Banner Story ngunit nang kunan ko ng detalye ay saka na, baka mabulabog daw. Pero ang laman ng 15 bank accounts na ito ay tinga lamang sa tunay na laki ng perang napunta sa proteksiyon ng operasyon ng mga sindikato ng ilegal na droga.

May isang artista na nagising sa katotohanang puwede siyang matumba o itumba dahil sa kampanya sa ilegal na droga, na wala nang ginawa ngayon kundi ang mag voluntary drug test kada buwan. May mga takot na masasabing tama ang ibinungang kilos sa Ilang dati ay lulong sa shabu.

Under investigation pa rin ang nearly 2,000 pulis na hinihinalang sangkot sa ilegal na droga. Wala pang 200 ang bilang ng kinakitaan ng batayan for at least filing of administrative cases and possible dismissal from the service.

May mga bagong nadiskubreng shabu laboratory na halos magkatulad ang set-up, natunton at natukoy na ba ang kuneksiyon nito? Chinese Triad o Taiwan pipeline?

Sa dami ng sumuko sa Oplan Tokhang, ilan na ang nasa rehabilitation centers? Nito lang, nalaman ko sa isang opisyal ng Department of Interior and Local Government na sa bagong tayong drug rehabilitation facility sa Nueva Ecija, 200 mahigit pa lamang ang naipapalista at napapasok. Higit sa 10,000 ang kapasidad ng drug rehabilitation facility na Ito.

Higit na sa 5,000 ang napapatay, nasa 2,000 ang nasa listahan ng pulis, higit sa 3,000 ang bilang ng mga summary executions na ang taguri sa media ay extra-judicial killings.

Sa madaling salita, ang kampanya o digmaan sa ilegal na droga na inilunsad kasabay ng pagbabagong bitbit ng Duterte presidency… malayong-malayo pa sa pagtatapos.

Ang pagbabagong dala ng taong 2016, ang totoo, nasa bukana pa lamang.

Read more...