Digong sa US: Itigil na ang pambu-bully

SINABI ni Pangulong Digong na magiging presidente ng bansa ang boxing champ at senador na si Manny Pacquiao.

Ang pahayag ay ginawa ni Mano Digong sa 38th birthday celebration ni Manny sa General Santos City.

Sana huwag totohanin ni Manny ang biro ni Digong.

Palabiro sa mga kaibigan kasi itong si Digong at kung minsan ay akala mo totoo ang kanyang biro.

Gaya ng sinabi niya sa inyong lingkod minsan na dapat ako na humalili sa kanya bilang mayor ng Davao City may ilang taon na rin ang nakararaan.

Sinabi ni Digong na pareho kami ng ugali at prinsipyo kaya’t dapat ay halilihan ko siya bilang mayor.

Kung nadala ako sa biro, baka sumama ang aking loob nang pinatakbo niya ang kanyang anak na si Inday Sara.

Sa totoo lang, alam ni Digong na wala akong balak na tumakbo sa pulitika.

Nang tawagin ni Digong na “President to be” si Manny, yun ay para sumaya ang celebration.

Huwag sanang magalit si Manny, malayo siyang maging Pangulo ng bansa.

Unang-una, siya’y kulang sa pinag-aralan.

Kung sasabihin naman niya na si Joseph “Erap” Estrada ay kulang din sa pinag-aralan, dapat niyang malaman na si Erap ay matagal naging mayor.

Ang pagiging mayor ni Erap ang nagbigay sa kanya ng paghahanda bilang Chief Executive ng buong bansa.

Ang pagpapatakbo ng isang bayan ay, on a larger scale, gaya ng pagpapatakbo ng bansa.

Pangalawa, dahil sa kabubugbog sa kanya sa ulo at ayaw pang tumigil, baka pagdating ng araw ay maapektuhan ang kanyang utak.

Dapat ay tumigil na siyang magboksing while he’s still ahead.

Yung mga ginagawa niya na bata pa siya ay sisingilin siya sa kanyang pagtanda.

Ang isang halimbawa ay inyong lingkod.

Athletic ako noong kabataan ko, pero ngayon ay sinisingil na ako sa aking “abuso” sa katawan: sumasakit ang mga tuhod, likod at iba pang parte ng katawan.

Kapag siya’y naging Pangulo, marami siyang maeengkuwentro na problema na hindi niya naengkuwentro bilang boksingero.

Mas mahirap ang mental o paggamit ng utak kesa sa physical o paggamit ng katawan.

Ang pagiging Pangulo ng bansa ay kinakailangan ang paggamit ng utak.

Mahirap gamitin ang utak na bugbog na bugbog ang ulo.

***

Umatras ang bully nang lumaban ang taong aapihin sana.

Naging nang-aalo o conciliatory ang tono ng America nang sabihin ni Pangulong Digong na palalayasin niya ang mga tropang Kano sa Pilipinas.

Inihayag kasi ng US na hindi na bibigyan ng $434-M financial aid ang Pilipinas dahil sa war on drugs ng Presidente na naging sanhi ng pagkamatay ng libu-libong drug pushers at dealers.

“Bye-bye, America,” sabi ni Digong.

At dapat ay dinagdag pa niya, “Welcome China and Russia” na mortal enemies ng America.

Dahil nanlaban si Digong, na hindi ginawa ng ibang presidente bago siya, umatras si Uncle Sam.
***

Dapat malaman ng ating mga kababayan na mas kailangan tayo ng America kesa tayo ang nangangailangan sa kanila.

Ang ating bansa ay strategically located sa control ng America sa Pacific Ocean.

Pero na-brainwash tayong mga Pinoy upang mag-isip na tayo’y mga alila ng America na ating madikit na kaalyado dahil kasama tayo sa mga Kano sa pakikipaglaban sa Hapon noong World War II.

Ang mga binibigay na military aid sa atin ay mga pinaglumaan na ng America gaya ng 70-anyos na mga barko at eroplano na hirap na hirap nang lumipad.

At kapag binibigyan tayo may strings attached pa.

Kulang na lang sabihin sa atin, “Hey, boy, don’t be naughty or we will stop giving you our old things.”

Mapalad tayo at ang Pangulo natin ay nakakapagsabi sa mga Kano: Itigil na ninyo ang pambu-bully sa amin.

Read more...