MATAGAL na ipinagdasal ni Remedios Chaves ng Lubao, Pampanga ang mapili siya sa “Sugod-Bahay” noong bumisita ang “Juan for All, All for Juan” ng Eat Bulaga sa kanilang barangay noong nakaraang Hulyo.
Ang rason: nais makita ni Remedios ang kanyang anak na si Lito, isang tattoo artist na naninirahan sa East Timor, na 16 years na niyang hindi nakikita. Labis ang pangngulila ni Remedios para sa kanyang anak mula nang mamatay ang kanyang asawa.
“Lagi ko noon sinabi na, ‘Diyos ko, paano na kaya ang anak ko.’ Akala ko kung ano na nangyari,” anito.
Nakita ni Remedios ang “Juan for All, All for Juan” bilang ang kanyang tanging paraan upang makasama muli ang kanyang anak. Hindi agad makausap ng Eat Bulaga si Lito, na nalaman lamang na nanalo ang kanyang ina sa Sugod Bahay ayon sa balita ng isa pang Pilipino sa East Timor na nakapanood sa episode nito.
“Noong una, tumawag si Bossing Vic. Hindi ako makontak. Nalaman ko na lang na nanalo nanay ko nu’ng sinabi ng kaibigan ko na may Sugod Bahay daw, nakita n’ya sa YouTube. Pinakita sa akin. Sabi ko, nanay ko nga yan. Nakita ko rin na maraming nagsasabi sa Facebook na, ‘Umuwi ka na, hinahanap ka ng nanay mo.’ Naiyak ako. Nagulat talaga ako,” sabi ni Lito.
Hindi binigo ng Eat Bulaga si Remedios, nakausap niya ang kanyang anak sa pamamagitan ng video call ilang araw matapos siyang manalo sa Sugod-Bahay, at ipinadala pa siya sa East Timor, kung saan siya nanirahan ng 15 na araw.
“Noong nakita n’ya ako, siyempre, katakot-takot na iyakan ang nangyari kasi 16 years kaming hindi nagkita,” sabi ni Remedios.
Malaki na ang ipinagbago ng buhay nila mula nang manalo si Remedios. Meron na siyang isang maliit na sari-sari store sa Pampanga bilang kabuhayan. Si Lito naman ay nagpasyang bumalik sa Pilipinas pagkatapos ng pagbisita ng kanyang ina sa East Timor. Nagbabalak siyang manirahan muli sa Pilipinas.
“Malaking bagay. Malaking tulong ang Eat Bulaga. Binuo niya ang pamilya namin,” sabi ni Remedios. Dugtong pa niya, “Parang Pasko araw-araw.”
Ito ang pakiramdam ng lahat ng nananalo sa Juan for All, All for Juan. Hindi lamang kasiyahan ang naibigay nito sa mga barangay sa Pilipinas. Naiparamdam din nito na pwedeng dumating ang Pasko araw-araw, sa harap mismo ng kanilang tahanan.
q q q
Nagsimula ang Juan for All, All for Juan bilang segment sa Eat Bulaga noong Pebrero, 2009. Nagsimula ito bilang simpleng “Bring Me” game, kung saan sinasabi ng mga hosts sa Broadway Centrum kung ano ang ibibigay ng mga contestants sa barangay upang manalo ng papremyo.
Nag-evolve ang segment; ngayon, masasabing ang Juan for All, All for Juan ang puso ng Eat Bulaga.
Sang-ayon din sina Wally Bayola, Jose Manalo, Paolo Ballesteros at Maine Mendoza na espesyal ang segment na ito para sa lahat. Araw-araw silang nagpapasaya sa mga Dabarkads sa loob mismo ng kanilang mga bahay, umaraw man o umulan.
“Everyday, nakikita namin yung iba’t ibang istorya ng tao,” sabi ni Wally.
“Masarap yung pakiramdam na kasama ka dito. Maraming hosts ang Eat Bulaga, at maswerte kami na magkaroon ng sariling portion na kailangang alagaan mo,” sabi naman ni Jose. “Araw-araw may pressure. So yung feeling dapat mahalin mo yung segment, kung paano mo palalaguin sa tulong ng mga nasa Broadway.”
Dagdag pa niya, “Ang artista dapat lumilingon sa kanyang pinanggalingan. Ito yun, e. Hindi ako nawawala sa mundo ko noong araw. Sa tulong ng Juan for All, hindi ako naaalis sa lugar ko. Nabigyan lang ako ng trabaho pero andoon pa rin ako sa lugar ko.”
“Mahilig akong makipagchikahan sa mga matatanda,” kwento ni Paolo. “Nakakatuwa rin na kapag nasa barangay kami tapos may lalapit sa amin na naging winner na before, tapos chichikahin namin kung ano ginawa nila sa premyo nila.”
Sabi naman ni Maine, “Dito ako nagsimula. Iba yung pag-welcome sa akin dito. Family ang trato sa akin dito kahit una pa lang. Noon hanggang ngayon, sobrang saya, hindi nagbabago yung pakiramdam. Masarap to get along with different kinds of people and to hear their stories.”
Dagdag ni Maine, mas gusto niyang nasa barangay kaysa mag-host sa studio, “Niloloko nila ako na lilipat na ako sa Broadway. Pero sabi ko, parang hindi ko kayang iwan yung barangay kasi dito ako nagsimula. Dito rin ako magtatapos. Ayokong iwan kung saan ako nagsimula. Sobrang napamahal na ito sa akin.”
“Yung viewers, mas nagiging matatatag sila sa tulong ng Juan for All, All for Juan. Doon nila pwedeng makita na may mga taong mas nangangailan ng tulong kaysa sa kanila, na dapat di sila magalit o magtampo sa mundo,” dagdag ni Jose. “Yung mga pinupuntahan naman namin, nabibigyan naming sila ng bagong pag-asa na hindi huminto yung mundo nila sa tulong ng Juan for All, All for Juan. At the same time, yung mga payo nina Tito, Vic, and Joey, nagagamit nila yun.”
Pagtatapos ni Jose, “Araw-araw Pasko para lahat sa lahat dito. Hindi lang araw-araw Pasko – namimigay din tayo ng saya at pag-asa sa bawat tahanan na napupuntahan namin. Hindi lang kami pumapasok para sa show. Pumapasok din kami sa buhay ng tao.”