PINATAOB ni Grandmaster Mark Paragua ang nakatapat na si WGM Lei Tingjie ng China sa 56 moves ng Slav Defense upang manatiling buhay sa titulo matapos ang ikawalo at krusyal na round ng Philippine Sports Commission-Puregold International Chess Challenge sa Subic Bay Peninsular Hotel Sabado ng gabi.
Nataktikahan ni Paragua ang mapanganib na si Lei, na tumapos na ikatlo sa unang torneo ilang araw ang nakalipas, sa endgame matapos ipundar ang positional advantage sa opening move upang agawin ang panalo na nagtulak sa US-based na Pinoy chesser sa apat katao na ikatlong puwesto na may 5.5 puntos bawat isa.
Kasalo ni Paragua ang second seed na si GM Anton Demchenko ng Russia, 4th seed GM Levan Pantsulaia ng Georgia at No. 7 seed GM Merab Gagunashvili.
Tinalo ni Demchenko ang No. 8 seed na si GM Kirill Stuopak ng Belarus sa 46 moves ng French Opening habang nagwagi si Pantsulaia kontra FIDE Master Roel Ablegas sa 21 moves ng Reti Opening. Tabla naman si Gagunashvili kay No. 6 seed GM Vladislav Kovalev sa loob ng 11 moves ng Ruy Lopez.
May pagkakataon ang 32-anyos na si Paragua na magtangka sa korona sa ikasiyam at huling round sa pagsagupa nito sa top seed na si GM Wang Hao ng China, na tinalo si No. 5 seed GM Mikheil Mchedlishvilito sa 33 moves ng Sicilian.
Sakaling magtabla ay makakasiguro si Paragua na tumapos sa Top 10.
Samantala, nakipaghatian lamang ng puntos si IM Jan Emmanuel Garcia kontra IM Abhirmanyu ng India upang makisalo sa malaking grupo ng woodpushers na nasa ika-10 puwesto na may 4.5 puntos.
Sa Challenger section ay tinalo ni FM Austin Jacob Literatus ang nakaharap na si Vince Angelo Medina sa 42 moves ng Alekhine upang siguruhin ang pagsungkit sa korona kahit may isang round pa na natitira.
Sinelyuhan ni Literatus ang korona sa nasabing torneo sa kanyang kabuuang 7.5 puntos na may abanteng 1.5 puntos sa kanyang mga kalaban.