Star Hotshots naka-3 sunod na panalo

PINALAWIG ng Star Hotshots ang kanilang winning streak sa tatlong sunod na panalo matapos na itala ang 99-91 pagwawagi laban sa Rain or Shine Elasto Painters sa kanilang 2016-17 PBA Philippine Cup game Linggo sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Matapos na putulin ni Jio Jalalon ang 88-all pagtatabla, bumira si Paul Lee ng 3-pointer at nagbigay ng assist sa isang pares ng tres mula kay Aldrech Ramos para tulungan ang Hotshots na magwagi.

Pinangunahan ni Peter June Simon ang Hotshots sa ginawang 16 puntos habang si Lee ay nag-ambag ng 14 puntos, apat na assists at tatlong rebounds.

Si Jalalon ay nagdagdag ng 14 puntos, anim na assists at limang rebounds habang si Ramos ay gumawa ng  12 puntos, kabilang ang 4-of-4 mula sa 3-point area.

Bunga ng panalo, nakasalo ng Star ang Rain or Shine, Blackwater Elite at TNT KaTropa sa ikatlong puwesto sa 3-2 kartada.

Pinamunuan ni Raymond Almazan ang Elasto Painters sa itinalang double-double na 19 puntos at 13 rebounds habang si Jay Washington ay kumana ng 14 puntos at anim na rebounds.

Read more...