Eugene pumayag mabalahura sa Septic Tank 2; nagkasakit dahil sa ending ng movie

joel eugene jericho

DUMALO sa nakaraang grand presscon (na nagsilbi ring Christmas Party) ng 2016 Metro Manila Film Festival (MMFF) si Film Development Council of the Philippines (FDCP) Chairperson Liza Diño-Seguerra, kasama si MMDA Chairman Tim Orbos.

Binanggit ng dalawa na “back to the roots” ang mangyayari sa MMFF this year dahil magsisimula sa Manila City Hall ang Parade of Stars sa Dec. 23 at dadaan sa Plaza Lawton at magtatapos sa Plaza Miranda. Ito raw kasi ang dating ruta ng taunang pestibal.

Sampung araw ang selebrasyon ng MMFF kaya imbes na sa Enero 6, 2017 ito matatapos ay ginawa na itong Enero 3, kaya pakiusap ng festival organizers ay panoorin na ang mga pelikulang kalahok sa unang linggo pa lang para walang makaligtaan.

Sinabi ni Liza Dino na bibigyan nila ng 30 percent discount ang mga estudyante, senior citizens at Persons With Disabilities o PWD na manonood ng sine. Kailangan lang silang magpakita ng valid ID.

Kung may diskuwento ang mga estudyante, e, di mas lalong liliit lang ang kita ng MMFF ngayong 2016? Karamihan pa naman sa mahilig manood ng sine ay mga estudyante.

Inihayag din sa presscon ang mga uupong hurado ngayong taon sa MMFF, ito’y pangungunahan nina John Lloyd Cruz, Pablo Bertolin ng Venice Film Festival, Philip Cheah ng Singapore filmfest, Johnny Revilla, Mio Tiongson, Direk Antoinette Jadaone, Vince Reyes (AdFoundation) at Fr. Tito Caluag.

Ang mga nabanggit ang magre-review sa Magic 8 at pipili kung sino at anong pelikula ang magwawagi sa darating na MMFF Awards Night. Ang maglalaban-laban nga ay ang “Die Beautiful”, “Sunday Beauty Queen”, “Kabisera”, “Oro”, :Saving Sally”, “Seklusyon”, “Vince & Kath & James” at “Ang Babae Sa Septic Tank 2: #ForeverIsNotEnough”.

q q q

Speaking of “Ang Babae Sa Septic Tank 2”, halatang nag-enjoy talaga si Eugene Domingo sa mga kissing scene nila Jericho Rosales sa movie.

Yes bossing Ervin, kung dati ay ayaw ni Echo ng may kissing scene dahil nga sa relihiyon niya ay iba na ngayon, dahil todo bigay na siya kay Uge. Ha-hahaha!

Halos lahat ng taong nanood sa ginanap na advance screening ng pelikula sa Gateway Cinema 4 noong Biyernes ng hapon ay talagang hagalpakan sa mga pinaggagawa nina Uge at Echo lalo na sa mga hugot lines nila.

Nabanggit sa amin ng isa sa producer ng pelikula na si Atty. Joji Alonso na ayaw na raw nilang gumawa ng sequel ng “Septik Tank” dahil baka mag-suffer lang ito o hindi man lang lumebel sa part 1, pero para sa amin hindi lang ito lumebel, nalampasan pa ng part 2 ang unang installment.

Dahil ilang taon ding nawala si Uge sa mundo ng pelikula kaya siguro pumayag siyang mabalahura sa ending ng “Ang Babae Sa Septik Tank 2” dahil mas matindi ito sa unang version.

At dahil sa eksenang ito ay nagkasakit daw nang todo ang aktres dahil talagang nakainom siya (ng secret), kaya yuck to the maximum level! At malamang na ang eksenang colon cleansing sa pelikula ay tinotoo na ni Uge. Ha-hahaha!

Isang seryosong aktor si Joel Torre pero matatawa ang mga manonood sa mga eksena niya dahil kahit hindi siya nagpapatawa ay matatawa ka sa mga pinagsasabi niya.

Gusto namin si Kean Cipriano sa “Septik Tank 2” dahil naipakita niya rito ang pagiging seryosong aktor at hindi rin malayong manalo siya ng award dito. Nakapagtataka lang kung saan siya humuhugot, e, masaya naman ang kanyang personal life with his wife Chynna Ortaleza.

Komedyana talaga si Cai Cortez na maski ang laki sa screen ay hindi masagwang tingnan habang si Khalil Ramos naman na kahit bilang lang sa daliri ang dialogue ay okay na rin dahil nadala naman ito ng kanyang facial expressions.

Sayang at wala si JM de Guzman sa karakter niyang producer sa unang “Septik Tank” dahil siguradong magiging pasabog din ang batuhan nila ng punchlines ni Kean tulad ng ginawa nila noon sa part 1.

Nakakatuwa at aliw pero hindi kababawan ang “Ang Babae Sa Septik Tank 2” na idinirek ni Marlon Rivera. Mapapanood na ito sa Dis. 25, mula sa Quantum Films, Tuko Films, MJM Productions at Buchi Boy Entertainment.

Read more...