2017: Libre kolehiyo, pa-ospital at gamot sa mahihirap

KAPAG nilagdaan ni Pangulong Duterte ang 2017 national budget na P3.35 trilyon, matinding kagaanan ang mararamdaman ng maraming mahihirap.
Edukasyon ang prayoridad ng bawat pamilya at kasama rito ang kalusugan ng bawat miyembro.
Pero, simula Enero 1, parang milagro ang mangyayari sa Department of Health, ganoon din sa mga State Colleges and Universities (SUCs). Una, hindi na masyadong iindahin ng mga mahihirap ang magpaospital dahil otomatikong member sila sa PhilHealth.
Ang gamot naman ay makukuha sa mga government agencies tulad ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Phillippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) na datiay diretso sa Malacanang at iba pa.
Sa Tuwid na Daan, 85 porsiyento ng populasyon ay mga card members ng PhilHealth na may discount sa ospital pero wala namang suportang gamot. Sa Enero, 2017, magiging 100 porsiyento na ang coverage at direstong pakikinabangan ng taumbayan ang “President’s Social Fund”.
Ayon kay Health Sec. Paulyn Ubial, ngayon lang sa kasaysayan ng DOH na P152 bilyon ang inilaan at ito ang third highest sa buong budget.
Kasama rito ang modernisasyon sa mga provincial hospitals tulad nang pagbili ng mga mga bagong CT SCAN na inuna ngayon sa Maguindanao.
Ikalawa, mahigit 865,000 na mga estudyanteng naka-enroll sa mga State Universities and Colleges sa buong bansa ay hindi na rin magbabayad ng matrikula. Kasama rito ang UP, PUP, TUP, RTU, PNU, MSU at sa higit 100 pang kolehiyo sa mga lalawigan. Ang tanging babayaran lamang nila ay mga “miscellaneous fees” sa enrollment.
Nangyari ito, matapos ilaan ang karagdagang P8 bilyon sa budget ng Commission on Higher Education (CHEd) bukod pa sa P5.753 bilyon para sa Student Financial Assistance Programs (StuFAPs). Ito’y para tulungan pang lalo ang mga mahihirap na estudyante na makasabay sa gastusin ng “college education”.
Ibig sabihin, maaring makatapos na ng elementarya, high school hanggang college ang mga mahihirap na estudyante nang libre o may ayuda ng gobyerno.
Matagal na dapat ginawa ito ng mga nakaraang administrasyon. Taun-taon, reklamo ng tao ay ospital, gamot, matrikula at tulong pantustos sa araw-araw na pag-aaral. Pero, nanaig ang “pulitika” sa local at national levels ng gobyerno, bukod siyempre sa pagiging “gahaman” sa pork barrel ng mga nasa poder.
Noong araw, bago magbuhos ng pera sa isang probinsya, kakausapin mo ang gobernador, city mayor at sa dakong huli ay pagpapartihin ang pondo. Matagal nang nangyari ito, hindi lamang sa DOH, DEPED, DPWH at maging sa CHED.
Dito nga sa CHED kung saan ayaw pang umalis ni Chair Patricia Licuanan, itinago rito noong panahon ng Liberal Party ang mga pinagpiliang “scholars” ng mga kongresista at senador gamit ang kanilang pork barrel allocations. At ang masakit, pinayagan ito ni Licuanan.
Sa totoo lang, dapat na siyang umalis dahil niyurakan niya ang “academic freedom” ng CHEd at nagkabahid pulitika.
At sa 2017, bagong patakaran ang ginawa ni Duterte at ng kasalukuyang Congress. Mga 100 porsiyentong scholars na lahat at walang matrikula ang mga estudyante sa mga State Universities and Colleges. Wala nang pulitika, walang pro-Digong, walang anti-Digong at walang tatanggihang estudyante.
Sa totoo lang, mas madaling matutupad ngayon ang pangarap ng bawat Pilipino sa ganitong patakaran. Libre hanggang College at ang gastos sa gamot at ospital ay katuwang na rin ang gobyerno.
Dalawang malaking bagay para magkaroon ng tunay na pag-asa ang mga nasa ibaba. Makatotohanang “Political will” hindi “pulitika”!

Read more...