San Miguel Beermen tinibag ang NLEX Road Warriors

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. Star vs Rain or Shine
6:45 p.m. Alaska vs Barangay Ginebra
Team Standings: San Miguel (4-1); Rain or Shine (3-1); GlobalPort (3-1); Blackwater (3-2); TNT (3-2); Barangay Ginebra (2-2); Star (2-2); Alaska (2-2); Meralco (2-2); Phoenix (2-3); NLEX (1-4); Mahindra (0-5)

ITINALA ng San Miguel Beermen ang pinakamatinding panalo ngayong kumperensiya matapos na durugin ang NLEX Road Warriors, 106-80, sa kanilang 2016-17 PBA Philippine Cup game kahapon sa Xavier University Gym sa Cagayan de Oro City.

Matapos ang halos mga dikit na panalo sa Star Hotshots, Alaska Aces at Mahindra Flood Buster, ipinakita ng Beermen ang malupit na porma para tibagin ang Road Warriors at mahablot ang solo liderato sa 4-1 karta.

Maagang rumagasa ang San Miguel Beer sa laro para tuluyang maiwanan ang NLEX at ipalasap sa Road Warriors ang ikaapat na sunod na pagkatalo.

Parehong nagbalik-aksyon sina Paul Asi Taulava at Garvo Lanete matapos ang isang larong pahinga subalit hindi rin sila nakatulong sa NLEX.

Gumawa si Alex Cabagnot ng 18 puntos para pamunuan ang Beermen habang sina June Mar Fajardo at Arwind Santos ay nag-ambag ng tig-15 puntos.

Pinangunahan nina Kevin Alas, Bradwyn Guinto at Jonas Villanueva ang Road Warriors sa ginawang tig-12 puntos.

Nagdagdag naman si Raul Soyud ng 11 puntos para sa NLEX.

Samantala, mapalawig ang kanilang winning streak sa tatlong sunod na panalo ang hangad ngayon ng Star at Alaska sa pagsagupa sa magkahiwalay na katunggali sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Magsasagupa ganap na alas-4:30 ng hapon ang Hotshots at Rain or Shine Elasto Painters bago sundan ng salpukan ng Aces kontra Barangay Ginebra Kings sa alas-6:45 ng gabi.

Sariwa pa ang Barangay Ginebra sa pagwawagi kontra Mahindra noong Biyernes, 89-70, para umangat sa 2-2 panalo-talong kartada kasama ang tatlong iba pang koponang nasa ikaanim na puwesto.

Makakatapat ng Gin Kings ang Aces na matapos ang 0-2 start ay nakahablot ng magkasunod na panalo na pinakahuli ay laban sa Meralco Bolts noong Miyerkules, 81-79.

Nagtala si Japeth Aguilar ng double-double sa ginawang 15 puntos at 12 rebounds upang tulungan ang mga season-best 12 puntos kada isa nina rookie Kevin Ferrer at Chris Ellis sa pagbabalik panalo ng Barangay Ginebra matapos durugin ang Mahindra.

Pinamunuan nina Aguilar, Ellis, LA Tenorio at Sol Mercado ang 12-2 ratsada sa ikatlong yugto mula sa 43-all at makaigkas sa 55-43 iskor papunta sa 28-puntos abante sa huling yugto na nagpabawi sa 94-81 kabiguan ng Gin Kings sa GlobalPort Batang Pier noong nakaraang Linggo.

“I gave us a chance to play our young guys. We’re trying to do some things that are new and we’re kinda struggling with it,” sabi ni Gin Kings coach Tim Cone. “We were exploring our offense, philosophy’s changing a little bit.”

Pinatutungkulan nito ang pagparada sa mga rookies na sina Ferrer, Jammer Jamito at Jericho de Guzman. Nakapag-ambag din sina Jamito at De Guzman ng apat at dalawang puntos na nagpasaya sa mga fans lalo na kay De Guzman na dating practice player.

Hangad naman ng Rain or Shine (3-1) na mahablot ang ikaapat na panalo para manatili sa tuktok ng team standings laban sa Star (2-2).

Tampok din sa laro ng Elasto Painters at Hotshots ang pagpang-abot nina James Yap at Paul Lee na nasangkot sa off-season-blockbuster trade.

Galing ang Elasto Painters sa 107-93 pagwawagi sa Blackwater Elite kung saan humagod ng 15 puntos si Yap, samantalang buhat sa 0-2 simula, pumupog ang Hotshots ng dalawang sunod na panalo na ang pinakahuli ay kontra Phoenix Petroleum Fuel Masters sa pagtrangko ng tig-18 puntos nina Lee at Allein Maliksi.

Read more...