SUSUPORTAHAN ni Ogie Alcasid ang anak na si Leila sakaling magdesisyon na rin itong pasukin ang mundo ng showbiz.
Dito na sa Pilipinas mananatili si Leila simula sa 2017, pansamantala muna nitong iiwan ang kanyang inang si Michelle Van Eimeren sa Australia para makasama ang amang si Ogie at ang asawa nitong si Regine Velasquez.
“Yes po, she will be living here starting January,” sey ni Ogie sa ibinigay na solo presscon sa kanya ng ABS-CBN para sa Your Face Sounds Familiar Kids kung saan siya uupo bilang isa sa mga judge.
Marami ang nagsasabi na malaki ang pagkakahawig ng kanyang anak sa international singer na si Selena Gomez kaya ang sumunod ngang tanong kay Ogie kung papayag ba siyang mag-artista rin ang anak nila ni Michelle, “I will not stop her po. I will not stop her if she really wants it.”
“It seems she wants to do some commercial modeling kasi ngayon pa lang, ang dami nang nag-o-offer sa kanya, eh, even just through her Instagram. Parang she’s interested to do that. Sabi ko nga kanina, she already started her blog tapos ito pa, nag-aaral na ng Tagalog.
“Nakikinig siya sa YouTube ng mga Tagalog na mga kanta tapos mine-memorize niya. Kilala niya ’yung mga artista rito sa Philippines, kinikilala niya and she watches their films to my complete shock,” pahayag ng Ultimate singer-songwriter.
Inamin din ni Ogie na ikina-shock din niya nang sabihin ni Leila na gusto nitong mag-stay sa Pilipinas, “It’s a big surprise to me nu’ng nalaman ko na she wanted to come home.”
Kasalukuyan nang napapanood ngayon si Ogie bilang hurado sa “Tawag Ng Tanghalan” sa It’s Showtime. Bilang isang bagong Kapamilya, sasabak naman siya sa paghahatol ng batang performers sa Your Face Sounds Familiar Kids sa susunod na taon.
Makakasama ni Ogie sa jury sina Mr. Pure Energy Gary Valenciano at Megastar Sharon Cuneta.
Magsisimula naman ang musical competition sa Enero 7, 2017, at itatampok ang total transformation ng walong celebrity kids upang maging ka-face at ka-sound ng mga pinakasikat na local at international music icons para maghandog ng kakaibang aliw at concert experience.
“Parang ito ang perfect time na ginawa ni God para bumalik ako dito sa ABS-CBN. And Your Face Sounds Familiar really appeals to me. Nagko-comedy ako, lahat ’yon ginagawa ko, ’yung pagkokopya, ’yung pagkanta,” pahayag ni Ogie.
Malawak ang karanasan ni Ogie sa iba’t ibang larangan ng entertainment industry. Sa halos 30 taon niya rito, nakapag-release siya ng gold – at platinum-selling albums, nag-host ng game at variety shows, at nagsulat ng ilan sa mga pinakasikat na OPM songs para sa iba’t ibang Pinoy artists.
Maituturing na perfect judge para sa Your Face Kids si Ogie dahil sa karanasan niya bilang komedyante sa telebisyon at pelikula. At dahil sa mga nakakatawang karakter at gags na ginawa niya, nakatanggap siya ng awards mula sa iba’t ibang industry award-giving bodies.
Malapit nang mapanood sina Ogie, Gary, at Sharon sa Your Face Kids kung saan hahatulan nila ang live performances ng celebrity kids na sina Alonzo Muhlach, The Voice Kids seasons 1 at 2 champions na sina Lyca Gairanod at Elha Nympha, The Voice Kids artists Justin Alva, Yey! channel host Sam Shoaf,
Xia Vigor ng Langit Lupa, Awra Briguela ng FPJ’s Ang Probinsyano, at ang Dance Kids champion na si AC Bonifacio ng Lucky Aces.
Abangan ang pagsisimula ng Your Face Sounds Familiar Kids sa Enero 7, 2017.