Mag-ingat si Digong sa kanyang sinasabi

NAKABABAHALA ang sinabi ni Pangulong Digong na baka hindi niya matapos ang kanyang termino.

Walang sakit na nakamamatay ang ating
pangulo—tinitiyak ko yan sa inyo, dear readers.

Alam n’yo kung bakit? Babaero pa rin siya hanggang ngayon.

Ang taong may malubhang sakit ay wala nang gana sa sex.

Pagod lang sa biyahe si Manong Digong nang sabihin niya sa Cambodia na baka matigok siya bago matapos ang kanyang termino.

Ang bigat at responsibilidad ng pagiging pangulo ay maaaring nakakaapekto kay Mano Digong dahil sa kanyang edad na 71. Siya ang pinakamatandang na-ging pangulo ng Pili-pinas.

Bukod sa migraine, na madaling malunasan, si Presidente Digong ay malusog.

Nakababahala ang sinabi ng pangulo dahil baka maging self-fulfilling prophecy.

Ang mga taong palaging nagsasabi na wala silang pera, kahit na sagana sila sa pera, ay magiging kapos pagdating ng araw.

Ang taong palaging nagsasabi na siya’y may sakit, kahit na siya’y kasing lakas ng kalabaw, ay nagkakaroon ng sakit.

Ganyan kasi ang kapangyarihan ng mga kataga na lumalabas sa ating bibig.

The power of words, ‘ika nga.

Dahil dito, kailangang maging maingat na si Mano Digong sa kanyang mga sinasabi tungkol sa kanyang kalusugan.

Ayaw nang ibigay ng Estados Unidos ang $434 milyong aid package sa Pilipinas dahil sa
kampanya ni Pangulong Digong laban sa droga.

H–d-t nila!

Tama si Presidente: May nakatali na utos sa mga foreign assistance na binibigay ng US sa mga bansang pulubi na gaya natin.

Dapat ipakita natin sa kanila na mabubuhay tayo kahit wala sila.

Anyway, nandiyan ang China, na ating kalapit-bansa, na nag-aalok ng assistance sa
ating bansa.

Ang hirap sa mga Kano, gusto nilang dominahan o diktahan ang ibang bansa.

Playing Big Brother or World Policeman ang kanilang papel sa mundo.

Pero umaatras ang US kapag pumapalag ang bansang binu-bully nila.

Tingnan mo ang turing ngayon ni Uncle Sam sa Vietnam, na tinalo sila: Malaki ang respeto ngayon ng US sa Vietnam.

Kahit na isinoli nina Immigration Associate Commissioners Al Argosino at Mike Robles ang P30 milyon sa P50 milyong na kinikil nila kay illegal online gaming operator na si Jack Lam, dapat ay kasuhan pa rin sila ng robbery-extortion.

Ang sabi nina Argosino at Robles, ibinahagi nila kina Charles Calima, intelligence chief ng Bureau of Immigration, at retired police colonel Wally Sombero ang P20 milyon.

Si Sombero ang nag-abot ng P50 milyon kina Argosino at Robles sa second floor ng City of Dreams hotel at casino.

Kahit isinoli perang ninakaw nila, hindi pa rin mabubura ang kanilang krimen; bagkus ay puwedeng gamitin ang pera na ebidensiya laban sa kanila.

Mataas pa rin ang rating ni Pangulong Digong kahit na may mga palpak siyang sinasabi sa madla.
Alam ninyo kung bakit?
Nagtitiwala ang mamamayan sa kanyang sinseridad sa pagsilbi sa bayan.

Nakikita ng taumbayan na hindi magnanakaw si Digong dahil simple ang kanyang pamumuhay kahit na hinahawakan na niya ang pinakamataas na puwesto.
Nakikita ng mamamayan ang tatag ng kanyang loob sa pakikipaglaban sa droga.

May komento, mag-email sa inquirerbandera2016@gmail.com

Read more...