HANDS-OFF kami kay Paolo Ballesteros dahil wala siyang kapaguran sa promo ng pelikula niyang “Die Beautiful” na mapapanood na sa Dec. 25 bilang entry ng Idea First at Regal Entertainment sa 2016 Metro Manila Film Festival.
Last weekend, alas-5 pa lang nang umaga ay nag-palenke tour na si Paolo, kabilang ang Balintawak Market, Tandang Sora Market, Visayas Market, at Centris Bazaar para personal na imbitahan ang mga tindero’t tindera pati na ang mga mamimili roon na panoorin ang pelikula niya. Wala siyang kapagurang nakipag-selfie sa mga taong nandoon.
Inabot nang tanghali ang Team Die Beautiful sa palengke at bazaar tour nila para sa promo ng pelikula kaya umuwi lang ng bahay ang Make-Up Transformation King para mananghalian at mag-power-nap dahil kinahapunan ay sa Robinson’s Ermita naman sila bibisita.
Hatinggabi na rin nakauwi ng bahay si Paolo noong Sabado dahil nanggaling naman sila sa SM Bicutan at SM Cavite.
Sobrang hanga ang buong staff ng Idea First sa sipag ni Paolo kaya nagpapasalamat din sina direk Perci Intalan at Jun Lana sa aktor dahil wala ngang angal sa promo ang kanilang bida.
Wala rin daw naging problema ang Idea First habang sinu-shoot nila ang “Die Beautiful” dahil laging maaga sa call time ang TV host-comedian, at imagine, talent fee lang ni Paolo ang binayaran ng mga producer bilang artista ng pelikula.
Hindi na kasi naningil ng extra si Paolo bilang make-up artist (ng sarili niya) at sa mga wardrobe na ginamit niya sa pelikula.
Sa madaling salita, malaki ang natipid ng Idea First sa production ng “Die Beautiful.”
Bukod dito ay masuwerte rin sila kay Paolo dahil nabigyan sila ng Audience Choice at Best Actor award sa nakaraang Tokyo International Film Festival, bukod pa nga sa pumasok sila bilang official entry sa 2016 MMFF.
Siyempre, nagpapasalamat din si Paolo kina direk Jun at Perci sa pagbibigay sa kanya ng break bilang bida sa pelikula.
Mukhang okay nga katrabaho si Paolo dahil pati manager niyang si Jojie Dingcong ay nagsabing, “Pinakamabait at pinaka-loyal kong alaga, for 18 years hindi niya pinasakit ang ulo ko.”