KATATAPOS lamang ng amnesty program sa Qatar. Ito ay bahagi ng batas na ipinatutupad sa mga bansa kabilang na ang paggagawad ng kapatawaran sa mga dayuhang mamamayan na naninirahan doon nang ilegal o walang kaukulang dokumento o papeles.
Sa panayam ng Bantay OCW sa Radyo Inquirer DZIQ 990 AM, sinabi ni Assistant Secretary Charles Jose, spokesman ng Department of Foreign Affairs (DFA) na napakaliit na bilang ng mga Pinoy na nasa Qatar na tumugon sa naturang panawagan.
Aniya, ikinampanya ng DFA ang naturang amnestiya upang matulungan sana ang mga undocumented workers natin doon, ngunit mahigit 10 porsyento lamang sa tinatayang 2,000 o 240 Pinoys na mga mga ilegal na nananatili roon ang tumugon sa nasabing amnesty program.
Ito ay sa kabila nang mahigpit na babala na ginawa ng Qatari government na paiigtingin nila ang pagtugis sa mga ilegal alien na nasa loob ng kanilang bansa.
Nang tinanong namin si Asec. Jose kung ano nga ba ang maaaring mangyari sa mga kababayan nating mahuhuli matapos ang amnestiya, sinabi nito na posibleng kaharapin nila ang pagkakulong dahil sa mga kaso tulad ng absconding o pagtakas sa kanilang employer; maaari rin silang pagmultahin at kukuwentahin kung ilang araw o mga buwan silang nanatili bilang ilegal.
Maaari rin namang tuluyan silang i-ban at makasama sa mga blacklisted at hindi na makakababalik muli ng Qatar.
Samantala, nakahanda namang umalalay ang DFA sa pagpapauwi sa 240 nating mga kababayan tulad ng pagkuha ng kanilang mga exit visa at travel documents upang mabilis silang mapabalik ng Pilipinas.
Hindi lamang sa Qatar ngunit pati na rin sa mga bansang nag-aalok ng amnesty program, tipo bang wala itong ka-appeal appeal sa ating mga kababayan.
Pipiliin na lamang nilang manatili na muna ng ilegal at nakakapag-hanapbuhay doon sa halip na umuwi.
Nariyan pa rin ang kaisipang “bahala na” at kung mahuhuli saka pa lamang nila iisiping tapos na nga ang kanilang pag-aabroad.
Ngunit hangga’t may pagkakataon silang manatili pa, nakakalusot pa naman umano, kung kaya’t gugustuhin pa nilang maging ilegal kaysa naman panibagong problema at kunsumisyon pa ang kanilang susuungin sa Pilipinas tulad na lamang ng kawalan ng trabahong mapapasukan, mababang pasuweldo at kadalasan pa nga, higit nilang kinatatakutan na tumunganga na lamang habang patuloy na dumarating ang mga bayarin at gastusin sa kanilang mga tahanan.
Iyon umano ang hindi nila mapipigilan.
Samantala, hangga’t puwede pa, pikit-mata pa rin silang mananatili doon kahit nandoon ang kaba at posibilidad na mahuli anumang oras.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM mula Lunes hanggang Biyernes, alas-10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali; audio/video live streaming: www.ustream tv