Mayabang na politiko ayaw sa mumurahing motor para sa kanyang hagad

MAHIGIT sa P2 milyon ang ginastos ng isang mambabatas sa ginawa niyang pagbili ng dalawang high-end na motorsiklo.

Gagamitin ang naturang mga mamahaling motorsiklo ng kanyang security details.

Kamakailan lamang ay isang kulay itim na Sports Utility Vehicle SUV) ang binili ni Mr. Politician na nagkakahalaga ng mahigit sa P5 milyon.

Hindi na nagtataka ang ilan sa kanyang mga kapwa mambabatas kung saan galing ang mga bagong yaman ni Sir dahil alam nilang bunga ito ng kanyang pagsusumikap.

Yun nga lang ay hindi malinis magtrabaho si Mr. Politician dahil pera-pera raw ito kapag kumampi sa isang grupo o indibidwal.

Ang ibig sabihin, ayon sa aking Cricket, ay kailangan mo muna siyang gawan ng pabor o alukin ng halaga bago ka niya samahan sa inyong mga laban.

Kontrobersiyal ang bida sa ating kwento dahil sa dami ng kanyang mga pinasok na ventures bilang isang legislator at pati na rin nung nasa iba pa siyang sangay ng ating pamahalaan.

Itataya niya ang kanyang buhay kunwari para lamang maisulong ang ilang adbokasiya na sila rin naman ang may pakana.

Bukod sa mga mamahaling sasakyan ay hindi rin bababa sa walo ang kanyang security personnel kapag siya’y nagpupunta sa opisina o kung saan mang speaking engagement na kanyang pinupuntahan.

Ang hindi lang maintindihan ng ating Cricket ay kung bakit pa niya kailangan ng mga mamahaling motorsiklo samantalang pwede naman siyang kumuha ng mga kauri nito sa mas murang halaga.

Malamang ay bahagi na rin ito ng kanyang kayabangan dahil sa totoo lang ay sadyang mahangin naman talaga ang dating ng ating bida.

Ang mambabatas na bumili pa ng mamahaling mga motorsiklo bilang bahagi ng paghihigpit ng kanyang seguridad ay si Mr. A….as in Ano ba yan?

Read more...