ISA sa mga highlight ng pelikulang “Mano Po 7: Chinoy” ang halikan at love scene nina Jessy Mendiola at Enchong Dee na kinunan sa isang rehab center. Pareho kasing naligaw ng landas ang karakter ng dalawa sa movie.
Sa ginanap na premiere night ng “Mano Po 7” ng Regal Entertainment, kasamang nanood ni Jessy ang kanyang boyfriend na si Luis Manzano. Pero sa panayam nga sa Kapamilya actress, sinabi nitong alam ni Luis na meron silang intimate scenes ni Enchong at hindi raw ito issue sa kanyang boyfriend. At sigurado kami na nag-enjoy din si Luis sa mga nasabing eksena.
Para naman kay Enchong, naniniwala siya na hindi big deal kay Luis ang ginawa nilang love scene ni Jessy sa “Mano Po 7”, aktor din daw si Luis kaya sigurado siyang alam nito na trabaho lang ang kanilang ginawa.
Sa panayam ng press kay Enchong matapos ang premiere night ng movie ay natanong ang binata kung ano ang ginawa niyang pag-aalaga sa kanyang leading lady nang kunan ang kanilang love scenes.
“Sobra akong careful. Sobra akong maalaga kay Jessy kasi siyempre knowing that she’s the sexiest woman for FHM, ‘di ba parang meron kang stigma na, ‘Ah sexy yan, ganyan.’ Pero dito we have to take care of her, we have to be tasteful about the scene so may pag-aalaga at pag-iingat.
“Yes, it is my most daring. Ano kasi game mode talaga ako for this film. I was really hoping that it would turn out for the best kaya kung ano yung kailangan ibinigay ko na lang kasi yun yung kailangan,” kuwento ng singer-actor.
Samantala, sa tanong naman kung nalungkot ba siya nang hindi mapasama sa MMFF 2016 ang “Mano Po 7” lalo pa’t puro magagandang komento ang natanggap nila mula sa mga nakapanood na ng pelikula?
“Hindi mo maaalis yun. Merong disappointment but lagi kong sinasabi that these changes, it’s for the betterment of the MMFF. Marami nang boses ang nagsasabi na sana gumanda yung quality ng films na pinapalabas sa filmfest and now we’re trying this year. It’s part of the change so we will follow,” tugon ng binata.
Showing na today sa mga sinehan ang “Mano Po 7: Chinoy” na pinagbibidahan din nina Richard Yap, Jean Garcia, Janella Salvador, Marlo Mortel, Kean Cipriano at marami pang iba, sa direksiyon ni Ian Lorenos under Regal Films.
Samantala, nilinaw ni Enchong ang balita na tsinugi na siya sa bagong serye ng ABS-CBN na A Love To Last. Sa trailer kasi na ipinalabas sa trade launch ng Kapamilya Network ay wala siya.
“Actually tinanong namin yun, but the reason was we just had to have a trailer in time for the trade launch. Wala everything is the same tapos they will update the trailer kapag na-start na kaming mag-promo. I think we will start doing promos on the third week of December,” paglilinaw ng binata.
Hindi rin daw siya masyadong nainip na halos dalawang taon siyang walang serye, “Hindi naman talaga exactly inip kasi ang dami kong nagawa. Nakapag-concert ako, nakapag-album ako, nakapag-negosyo ako so kumbaga as much as I was waiting for my teleserye, marami akong nagawa rin outside showbusiness.”