TULUYANG inuwi ng Foton Tornadoes ang ikalawa nitong korona at back-to-back na titulo matapos na walisin ang nakatapat sa kampeonato na Petron Tri-Activ Spikers sa loob ng apat na set, 3-1, sa Game 2 ng 2016 Philippine Super Liga Grand Prix women’s volleyball tournament Sabado ng gabi sa Philsports Arena.
Sinandigan ng Tornadoes sa krusyal na bahagi ng laro ang import nitong si Ariel Usher kung saan nagtatangka ang Tri-Activ Spikers na makapuwersa ng matira-matibay na ikalimang set upang tapusin ang kampeonato sa iskor na 25-20, 25-20, 22-25 at 25-16.
Nabigo muna ang Tornadoes na kunin ang korona sa diretsong tatlong set kung saan naitala nito ang 18-14 abante nang bumalikwas ang Tri-Activ Spikers sa pagtala ng pitong puntos upang itabla sa 21-all bago pa inihulog ang dagdag na apat na puntos para umasam na maitulak sa matira-matibay na ikatlo at huling laro ang serye.
Gayunman, hindi na ito hinayaan ng Foton na agad itinala ang 6-2 abante sa ikaapat na set bago iniangat ito sa 12-3 at 13-4 at napigilan ang huling pagtatangka ng Petron upang muling angkinin ang karapatan na irepresenta ang Pilipinas sa AVC Asian Women’s Club Championships sa Kazakhstan sa susunod na taon.
Nagawa ng Tri-Activ Spikers na lumapit na lamang sa apat na puntos, 10-14, subalit inihulog ni Usher ang magkasunod na drop ball bago sinundan ng dalawang quick set kay Dindin Santiago-Manabat at service ace ni Jaja Santiago upang ilayo ang laban sa 19-12.
Tuluyang tinapos ni Lindsay Stalzer sa kanyang apat sa huling limang puntos ng Tornadoes ang laban sa pamamagitan ng isang ace.
Samantala, tinanghal na Most Valuable Player ng Grand Prix si Jaja Santiago ng Foton habang 1st Best Outside Spiker si Stephanie Niemer ng Petron. Napunta kay Ariel Usher ang 2nd Best Outside Spiker.
Ang 1st Middle Blocker ay iniuwi Aby Maraño ng F2 Logistics at 2nd Best si Maika Ortiz. Ang Best Setter ay iniuwi ni Kim Fajardo habang Best Opposite hitter sina Jovelyn Gonzaga ng RC Cola Army at Aiza Maizo ng Foton. Ang Best Libero ay muling inuwi ni Dawn Nicole Macandili ng F2 Logistics.