PAGKATAPOS ng solo presscon ni direk Erik Matti kamakailan para sa Metro Manila Film Festival entry na “Seklusyon”, tinanong namin siya kung bakit ang Hashtag member na si Ronnie Alonte ang napili niyang gawing bida.
Alam naman ng lahat na wala pa itong napapatunayan in terms of acting dahil hindi naman siya aktor kundi isang dancer bilang member nga ng Hashtag na regular na napapanood sa It’s Showtime.
“Mahilig kasi ako sa bago, I did several films na puro bago ‘yung gamit ko na artista. Maganda rin minsan if you could bring out from them, parang magandang challenge rin ‘yan sa filmmaker.
“And we thought of several names for that role and siyempre puro mga bata, and it was only Ronnie na parang innocence, naive pero puwede rin siyang arogante ng konti. Kasi ang role niya rito ay malapit kay God and he believes that na hindi siya magagalaw,” katwiran ng direktor.
Pero mas na-challenge si direk Erik sa child star na si Rhed Bustamante na pinakabida ng “Seklusyon” dahil sobrang dami ng exposure nito, e, paano natapos lahat ito ng direktor gayung apat na oras lang ang working hours nito base sa regulasyon ng DOLE.
“Hindi ko nga naisip kaagad na dapat pala kinontian ko ang role ng bata kasi nga four working hours lang sila, so we call time her very late, ‘yung saktong kukunan na lang. Kaya madugo talaga.
“Na-realize ko kasi na bida ‘yung bata kaya ang dami talaga niyang eksena, hindi naman puwedeng kontian. But she’s really good,” napakamot ang ulong kuwento ni direk.
Ano naman ang say ni direk Erik sa mga naglabas ng saloobin tungkol sa mga napiling pelikula ngayong MMFF na hindi raw pambata ang mga ito. Ang Pasko raw ay para sa bata.
“Ayoko nang magsalita baka bukas ma-bash na naman ako, ipinaliwanag ko lang naman ‘yung point ko na ‘yung sinasabi na ang Pasko ay para sa bata or MMFF ay para sa bata.
“Wala naman kasi sa criteria na kapag MMFF, pambata, kasi kung meron, e, di sana gumawa kami ng pambatang pelikula? Ang point ko lang, bigyan natin ng chance ‘yung iba. Kasi kami ilang beses ding hindi napipili sa Metro Manila Film Festival, hindi na lang kami kumikibo,” katwiran pa niya sa amin.