NAGIGING emosyonal ang TV host-comedian na si Paolo Ballesteros kapag napag-uusapan kung gaano niya kamahal ang kanyang mga Dabarkads sa Eat Bulaga.
Tulad na nga lang nang nangyari sa presscon ng 2016 Metro Manila Film Festival entry na “Die Beautiful” kung saan sinorpresa si Paolo ng buong produksyon ng pelikula, sa pangunguna ng Ideal First Company owner na si Perci Intalan at direk Jun Lana pati na rin ng Regal Entertainment matriarch na si Mother Lily Monteverde with daughter Roselle Monteverde-Teo.
Talagang hindi napigilan ni Paolo ang mapaiyak nang bonggang-bongga nang mapanood ang video message ng kanyang mga kasamahan sa Eat Bulaga at iba pang kaibigan sa industriya ng telebisyon at pelikula.
Nagsimula siyang maging emosyonal nang batiin siya ng kanyang kapatid na si Chiqui na sinundan ng kanyang mga Dabarkads sa EB na bumati rin ng happy birthday sa kanya at nag-congratulate sa lahat ng tinatamasa niyang tagumpay ngayon. Paolo just turned 34 last Nov. 29.
Pero ang isa sa pinakatumatak sa amin, maging sa iba pang miyembro ng entertainment media na nasa “Die Beautiful” grand presscon ay ang makabagbag-damdaming mensahe ni Maine Mendoza para kay Paolo.
Sey ng phenomenal star na isa rin sa co-host ni Paolo sa kalyeserye ng Eat Bulaga, “Habambuhay ko kayong papahalagahan sa puso ko. Good luck sa movie, Kuya Pao! Sigurado ako maghi-hit ito sa Pasko dahil papanoorin namin iyan sa Qatar sa Pasko. Promise ‘yan, Kuya Pao. Love na love kita.”
Sey pa ni Paolo, talagang medyo nagiging emosyonal siya ngayon dahil nga hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala na may solo entry siya sa MMFF this year. Bukod pa nga ‘yan sa pagkapanalo niya ilang Best Actor sa nakaraang Tokyo 2016 International Film Festival.
“Other than that, it’s my first leading movie. And it actually came at the time na medyo ganyan-ganyan ‘yung time, di ba?
“Kasi nga, nagpahinga ako. So parang it’s another opportunity na nagbukas and especially working with these guys (production ng Die Beautiful) na hindi mo mararamdaman na trabaho talaga, e. And yung feeling ko, hindi lang ako artista rito, e. It’s a collaboration of everyone else,” aniya pa.
Naitanong naman kay Paolo kung mas tumindi pa ang pressure sa kanya ngayong hinuhulaan na ang pelikula niya ang posibleng mag-number one sa box-office sa MMFF 2016?
“Gaya nang sinabi nina Direk Jun, we’re not after the awards naman talaga. I mean, kung manalo, kung magtop grosser, that’s the icing on the cake.
“It’s more of mas mapanood nila, kung mas marami ang makapanood, mas masaya, di ba? Kumbaga, mas marami ang makakapag-appreciate. Pero, kung magiging top grosser, thank you guys!” sey ni Paolo.
Samantala, sanay na sanay palang magtrabaho ang Make-Up Transformation King & Queen nang mag-isa, hindi raw talaga siya nasanay ng may alalay o personal assistant kahit noong bago pa lang siya sa industriya ng showbiz.
“Kasi nga, tulad ng lagi kong sinasabi, one-man-person kasi ako, e. One-man-team ako na kapag may projects na ginagawa, ayoko kasi na may PA kasi, alam ko kasi yung gagawin ko.
“And so, mahirap talaga, that’s why choosy talaga ako sa mga trabahong pinipili ko, kasi ako nga lang ang gumagawa.
“And yun nga, nakakataba nga ng puso na coming from those people na I’ve worked with, yun nakikita nila yung efforts na ginagawa ko,” paliwanag ng TV host-comedian.
Hindi lang namin sure kung meron ng rating na ibinigay ang MTRCB sa pelikula ni Paolo dahil ang balita nga ay may ilang maseselang eksena sa movie na medyo delikadong mapanood ng mga bata.
Biro nga ni Paolo kay Bossing Vic Sotto sa presscon ng “Enteng Kabisote 10”, huwag na raw i-promote ng box-office TV host-comedian ang kanilang pelikula dahil nakakahiya naman daw kay Bossing.
Kasama rin sa “Die Beautiful” sina Iza Calzado, Luis Alandy, Inah de Belen, IC Mendoza, Eugene Domingo, Gladys Reyes, Albie Casino, Joel Torre, Chritian Bables, Cedrick Juan at marami pang iba.