Madrama at makulay na buhay ni Awra ibabandera sa MMK

AWRA BRIGUELA

AWRA BRIGUELA

BAGO pa naman sumikat ang kwela at kinagigiliwang si Awra Briguela mula sa hit primetime series na FPJ’s Ang Probinsyano ni Coco Martin at top-grossing movie na “The Super Parental Guardians,” marami muna siyang pinagdaanang dagok sa buhay sa kanyang murang edad.

Tunghayan ang kanyang nakakaiyak ngunit nakaka-inspire na kwento ngayong Sabado sa isa na namang espesyal na episode ng Maalaaala Mo Kaya hosted by Charo Santos.

Bata pa lang ay alam na ni Awra na gusto niyang maging isang kilalang artista tulad ng kanyang idolong si Vice Ganda.

Sa angking talento nito sa komedya, pag-arte, at pag-sasayaw, nakitaan na siya agad ng kanyang mga magulang ng potensyal. Suportado siya nito sa lahat ng bagay at tanggap nila kung sino at ano siya bilang tao.

Ngunit ang masayang pamilya na kanyang kinagisnan ay tila naglaho nang iniwan sila ng kanyang ina na si Marivic (Aleck Bovick).

Nakita niya ang mabilis na pagbabago ng kanyang ama na si Oneal (Janus Del Prado) at simula noon, tila napabayaan na sila ng kanyang ama. Lubos na nahirapan dito si Awra dahil lumaki siyang nakitang maunawain at mabait ang kanyang ama.

Paano niya nalampasan ang hamong ito? Ano at sino ang kanyang kinapitan para maging matatag at madiskarte sa buhay?

Kasama rin sa MMK episode na ito sina Eliza Pineda, Amy Nobleza, Lance Lucido, Gerard Madrid, Lui Manansala at Crispin Pineda, sa direksyon ni Dado Lumibao at sa panulat nina Arah Badayos at Benson Logronio.

Abangan ang longest-running drama anthology sa Asya, ang MMK tuwing Sabado ng gabi sa ABS-CBN.

Read more...