‘Di dapat kabahan si Leni’

MAY libreng pakain ang mga bata ni Pangulong Duterte— ang Partido Demokratiko Pilipino-Laban— sa Cubao, Quezon City malapit sa istasyon ng Metro Rail Transit 3-Cubao station at sa Balay na siyang headquarters ng Liberal Party na partido nina dating Pangulong Aquino at Mar Roxas.

Walang ginagamit na pondo ng bayan sa pakain na ito. Ang kanilang inihahain ay depende kung ano ang donasyon na kanilang matatanggap. Kung baboy, baboy ang ulam. Kung isda, isda ang kanilang ihahain.

Si House Speaker Pantaleon Alvarez ang nakaisip ng Duterte’s Kitchen. Ang unang target nito ay pakainin ang mga bata pero kahit na matatanda na pumupunta ay binibigyan na rin nila ngayon.

May libreng lecture din ang kusina ni Duterte para kahit paano ay matutonh magbasa ang mga bata na kalimitan ay hindi nag-aaral. Ang mga nagtuturo ay mga volunteer.

Next target nila ay magtayo ng ibang branch ng Kitchen sa ibang lugar.

Mukhang may punto itong si Alvarez.

Sabi niya, walang dapat na ipangamba itong si Vice President Leni Robredo kung siya talaga ang nanalo sa VP election noong Mayo.

Sa bilangan ay lamang siya ng mahigit 200,000 boto sa pinakamalapit na katunggali na si noon ay Sen. Bongbong Marcos.

Sabi ni Alvarez, kung kampante si Robredo na siya ang nanalo, wala siyang dapat na ipangamba sa election protest na inihain ni Marcos.

Kung siya ang nanalo, kahit na pagbali-baliktarin ang pagbibilang, at kahit na paano pa ito bilangin siya ang lalabas na nanalo.

Matagal na umanong natapos ang bilangan at sa dami ng mga mata na nakamasid ay mahihirapan na baguhin ang totoong resulta nito.

Naalala ko tuloy noong 2010 elections. Naging mahigpit din ang laban nina Makati Mayor Jejomar Binay at Roxas sa pagkabise.

Lumamang si Binay ng mahigit 700,000 at naghain ng electoral protest si Roxas.

Ang nakaupo noon ay si Aquino na kaalyado ni Roxas.

Walang nangyari sa electoral protest ni Roxas. Hindi niya napalitan si Binay kahit pa ang nakaupo sa kapangyarihan ay kanyang mga kaalyado.

Sa mga huling survey bago ang halalan noong 2010, si Binay ay nakaungos na kay Roxas.

Sa pre-election survey noong Mayo (SWS May 1-3), statistically tied si Marcos (29 percent) at Robredo (28 percent). Isang porsyento lang ang error of margin kaya talagang walang malinaw na run away winner.

At mukhang nagkatotoo ang survey dahil talagang dikit ang boto ng dalawa matapos ang bilangan.
Ang tanong, magbabago pa kaya ang resulta ng May 2016 elections kung muling bibilangin ang mga boto?

Ang nakaupo noong Mayo ay ang Aquino government na kaalyado ni Robredo. Ang nakaupo naman ngayon ay ang Duterte administration.

Si Sen. Alan Peter Cayetano ang running mate ni Duterte pero hindi lingid sa kaalaman ng lahat na pabor din siya na maging bise si Marcos.

Read more...