SA wakas ay nagising na rin ang Pinas. Kung sa ibang bansa, lalo na sa Amerika, ay napag-iinitan ang mga fast-food chains, na, kapag sinuri, ay di masustansiya ang kanilang pagkain, bagkus ay nakapagdudulot pa ng mga sakit kapag araw-araw na kinain (inabuso nga ang tawag nila), tila “nauntog” na rin si Marikina Rep. Marcelino Teodoro, ng first district, at naghain ng House Bill 2939, na naglalayong malaman ng mga parokyano ang nutritional values ng kanilang paborito’t mga kinakain. Sa ilalim ng panukalang batas, na amyenda sa ilang probisyon ng Consumer Act of the Philippines (Republic Act 7394), oobligahin ang mga fast-food chain na lagyan ng nutrition labels ang bawat pagkaing kanilang ibinebenta para malaman ng mga suki kung hanggang saan lang ang puwede para sa magandang kalusugan, at kung hanggang saan ang labis, at masama na sa kalusugan. “To create consciousness to the importance of healthy eating habits and eventually healthy lifestyle, it is very important to know the nutritional contents of the food people are eating, especially those in fast-food chains,” ani Teodoro, chairman ng House committee on people participation. Ang panukalang batas, bagaman walang kaduda-dudang napapanahon (dahil sa santambak na mga pasyente sa PGH, EAMC, JRMMC, OsMa, atbp., na may sakit na diabetes, puso, hypertension, atay, bato, atbp.) ay nangangailangan ng support programs, tulad ng massive information campaign, na puwedeng isagawa ng mga lokal na sangay ng kagawaran ng kalusugan. Nakatitiyak ba tayo na may nutritional knowledge (saka na muna yung awareness) ang mga taga-Baseco, Parola, Dagat-Dagatan, Bagong Silang, Tala, Tatalon, Tumana, Lupang Pangako, Lupang Arenda, atbp.? Kailangang imulat ng mga lokal na pamahalaan (may mga local nutrition councils ang bawat LGU, kaya maaling gawin ito) ang kanilang nasasakupan, lalo pa ang mga informal settlers at resettled families sa mga NHA (National Housing Authority) areas bago isabatas ang HB 2939 ni Teodoro. Kung hindi mulat ang mahihirap na suki rin ng mga fast-food chains, walang saysay ang magandang layunin ng batas dahil hindi rin maiintindihan ng mga parokyano kung ano ang nilalaman ng mga nutrition labels; at patuloy na madaragdagan ang mga may sakit na diabetes, puso, hypertension, atay, bato, atbp., na walang ibang matatakbuhan kundi ang mga pagamutang gobyerno. Ang mulat na suki ay alam ang tamang servings, units of measure per containers, calories, fats, saturated fat, cholesterol, sodium, carbohydrates, sugars, dietary fiber at protina.
BANDERA Editorial, 110809