Ronnie Alonte may 2 pelikula sa MMFF, meron pang bagong serye

ronnie alonte

SA ginanap na Metro Manila Film Festival 2016 countdown sa SM Skydome nitong weekend ay nakausap namin ang Hashtag member na si Ronnie Alonte na kasama sa pelikulang “Vince And Kath And James” ng Star Cinema at “Seklusyon” ng Reality Entertainment.

Ang diretsong tanong namin sa binata, saang float siya sasakay sa gaganaping Parade of Stars sa Dis. 23. Hindi nakasagot agad si Ronnie sabay tawa, “Hindi ko po alam, eh,” sambit ng bagitong aktor.

Hirit namin siya ang bida sa “Seklusyon” kaya malamang doon siya sa float nito pasakayin dahil sa “Vince And Kath And James” ay support lang siya sa mga bidang sina Joshua Garcia at Julia Barretto.

“Iyon po ang sabi ko rin na dapat sa ‘Seklusyon’, kasi nga po sa ‘Vince’ nandoon na sina Julia at Joshua,” esplika ni Ronnie.

Bukod sa dalawang entry ni Ronnie ngayong MMFF 2016 ay lilipad pa siya patungong Macau, China para sa Macau International Film Festival kung saan bahagi rin ang “Seklusyon.”

“Opo, kasama ang ‘Seklusyon’ kaya nakakatuwa, sa December 11 po ‘yun kaya lilipad kami siguro that day. Sana po makabingwit din tayo ng award doon,” masayang sabi ng binatilyo.

Hindi maitatangging sikat na si Ronnie kaya ang sunod na tanong namin ay kung iiwan na niya ang Hashtag kung hindi na kaya ng schedule niya, “Hindi po, never po, madadagdagan lang ang Hashtag, hindi po mababawasa.”

Nagpapa-audition daw ulit ang ABS-CBN para sa Hashtag, kukuha raw ng anim na bagong members kaya magiging 18 na sila sa grupo.

Hmmmm, kaya nga siguro nagpapadagdag dahil baka dumating ang araw na busy na ang ibang miyembro dahil may mga teleserye at pelikula na tulad nina McCoy de Leon, Jimboy Martin, John Lucas, Ryle Santiago at Jameson Blake.

q q q

Anyway, ano ang pakiramdam ngayon ni Ronnie na dalawa ang entry niya sa MMFF, nag-e-expect din ba siya ng award tulad ni Jameson na nanalong Best Supporting Actor sa nakaraang Cinema One Originals Film Festival para sa pelikulang “2 Cool 2 Be Forgotten.”

“Simple lang, siyempre kahit po magka-project ako ng ganito, hindi ko naman po sila (Hashtag) niyayabangan, kasi naniniwala ako na darating din sa kanila ang mga projects, nauna lang siguro ako, lahat sila mabibigyan din.

“‘Yung tungkol sa award, mahirap kasi kung mag-expect ka, kung ano ang ang dumating. Like si Jameson, hindi naman daw niya in-expect, malay mo, ganu’n din ang mangyari sa akin. Tulad nito, hindi ko rin naman ini-expect na magkaka-movie ako, bigla na lang,” ani Ronnie.

Mukhang suwerte nga si Ronnie ngayong 2016 dahil bukod sa mga pelikula ay kasama rin siya sa bagong serye nina Ian Veneracion at Bea Alonzo, si Julia Barretto rin ang ka-loveteam niya rito.

May nagkomento naman na sa rami raw ng naka-loveteam ni Julia na hindi gaanong nag-click baka raw sila na raw ang suwertihin, “Kinabahan ako ro’n, ah!”natawang sabi ng binatilyo. “Sana nga po, mag-click kami, sana nga po. Trabaho lang naman po.”

Ngayong kumikita na si Ronnie ay tumutulong daw siya sa kanyang pamilya, “Nag-aabot po ako sa lolo at lola ko. Kahit na hindi nila kailangan ang tulong ko, nagbibigay po ako para madagdagan din ang blessing na dumarating sa akin.”

Nabili na rin daw ni Ronnie ang dream car niya mula sa kanyang mga naipong pera, “Sports car po, birthday gift ko sa sarili ko. Tapos po magpapagawa naman ako ng sarili kong bahay sa amin.”

Tinanong din namin kung kamag-anak ba ni Ronnie si dating Biñan Mayor Len Alonte na kongresista na ngayon, “Opo, tita ko po, pinsang buo ni Papa, hindi kami mayaman, naging mayor lang po tita ko,” pag-amin ni Ronnie.

Marami pa kaming gustong itanong kay Ronnie Alonte pero tinawag na sila para umakyat sa entablado at imbitahan ang lahat ng Pinoy na panoorin ang mga pelikulang kasama sa MMFF 2016 simula sa Dec. 25.

Read more...