NGAYONG bumaba na ang hatol ng PAMI, asosasyon ng mga managers ng mga artista, laban kay Baron Geisler ay magbabago na ang ikot ng kanyang mundo.
Kunwari pa’y okey lang sa aktor ang lahat, parang hindi man lang siya naaapektuhan, pero sa kaloob-looban ng kanyang puso ay natural lang na malaking kawalan para sa kanya ang pag-aartista.
Bahagya pa lang siyang umaangat sa lupa ay nag-aartista na siya, nabigyan na siya ng atensiyon ng publiko, hanggang sa makita ng manonood ang galing niya sa pag-arte. Natural, niyakap na ‘yun ni Baron, kinasanayan na niya ang limelight.
Ngayong nagdesisyon na ang PAMI na wala sinumang alaga nila ang makikipagtrabaho kay Baron ay napakasakit nu’n para sa aktor. Halos lahat ng malalaking artista ay may manager na opisyal at miyembro ng PAMI.
Ganyan ang kinahihinatnan ng personalidad na pasaway at walang respeto sa kanyang mga kapwa artista at hindi marunong magpahalaga sa kanyang trabaho. Ihinain na sa kanya ang lahat-lahat, pero matigas pa rin ang ulo, ginagawang tau-tauhan ang lahat dahil sa pag-asang makalulusot naman siya at walang magrereklamo.
Ano siya ngayon? Tingnan natin kung hindi magsising-alipin ang Baron Geisler na ito.