CDO boxers naka-5 ginto sa Batang Pinoy National Finals

TAGUM City, Davao del Norte — Bumangon mula sa matagal na pagkakatulog ang dating powerhouse na Cagayan de Oro City sa muling pagpapakita ng husay sa boxing sa pag-uwi ng limang gintong medalya sa pagsasara dito ng 24 sa kabuuang pinaglalabanang 26 sports sa 2016 Philippine National Youth Games-Batang Pinoy Championships.

Ito ay matapos magwagi sina light pinweight John Vincent Pangga at junior light flyweight Marco John Rementizo sa kanilang mga kalaban sa finals upang sundan ang mga panalo nina CDO lady boxers Gina Casin (48kg), Marty Ann Laug (38kg) at Jolibeth Maglasang (40kg) sa kompetisyon na ginanap sa Tagum Trade Center.

Apat na ginto naman ang napunta sa General Santos City, ang hometown ng Pinoy boxing icon na si Manny Pacquiao, mula sa mga panalo nina pinweight Criz Russu Laurente, light bantam RV Denega at mga babaeng boksingera na sina Angela Bianca Laurente (54kg) at Roxan Kapawan (57kg).

Itinala rin ni Denega ang pinakaimpresibong panalo sa torneo matapos nitong talunin sa pamamagitan ng technical knockout sa 1:17 marka ng round one si Joshua Pagdual ng Davao City.

Ilang boxers din ang nakitaan ng talento kung saan naiiba si Junmilardo Ogayre ng Davao City. Ito ay dahil habang iniidolo ng ibang bata si Pacquiao ay nais ng 17-anyos na Criminology major mula sa University of Mindanao na makatulad si Nonito Donaire Jr.

“Gusto ko sa kanya iyung power at timing,” sabi ni Ogayre matapos biguin si Jerald Into ng Zamboanga del Sur sa pamamagitan ng kanyang matutulis na kanan para sa unanimous decision sa junior boys’ lightweight bout.

Ikaanim sa walong magkakapatid, nagsimula si Ogayre na lumaban sa edad na siyam at madalas magwagi sa kanyang weight class sa Davao Region Athletic Association at Mindanao Cup.

“Gusto ko maging miyembro ng national team pero ang talagang ambisyon ko ay maging professional like Donaire,” sabi ni Ogayre, na isinalba ang kanyang probinsiya matapos iuwi ang tanging ginto para sa Davao.

Nagwagi sina Junior flyweight Reymark Alicaba, bantamweight Richard Bulacan at pinweight Jean Miguillan para sa Davao del Sur habang ang Panabo City, na dating balon ng talento sa national team, ay tanging nakapag-uwi ng ginto mula kay light paperweight Carl John Austria.

Ang light mosquito na si Rodel Gamo ang tangi naman nagbigay ng ginto sa Bago City sa torneo na sinalihan ng rekord na 320 kabataang boxers sa buong bansa.

Samantala, magsisimula ngayong umaga, Disyembre 4, hanggang Disyembre 11, ang gymnastics event sa tatlong venue na Rizal Memorial Coliseum at Gymnastics Center habang sisimulan naman ang wushu events bukas, Disyembre 5, hanggang 8, sa Philsports sa Pasig City.

Read more...