Mordido, Quizon humataw sa Batang Pinoy chessfest

TAGUM City, Davao del Norte — Humataw ang Dasmariñas, Cavite chess bets sa standard at blitz events matapos mag-uwi ng tig-dalawang ginto sina Kylen Joy Mordido at Daniel Quizon at isa kay Jerlyn Mae San Diego sa ginaganap na 2016 Philippine National Youth Games-Batang Pinoy National Championships chess competition dito.

Unang napasakamay ng Dasmariñas City ang dalawa sa nakatayang apat na ginto sa standard event kung saan nagbida si Mordido sa girls’ 13-17 sa tinipon na 6.5 puntos sa posibleng pito upang talunin sina Cebu City bet Glybel Jane Quinanola at MeAnn Joy Baclayon ng Misamis Oriental.

Hindi rin nagpatalo sa sumali na kabuuang 240-player standard chess na ginanap sa Bulwagang Panlalawigan ng Davao del Norte na si Quizon na nagwagi sa Boys’ under-12 sa natipong 5.5 puntos via tiebreak kina Clyde Harris Saraos ng Jasaan, Misamis Oriental at Mark Jay Bacojo ng Pasig City.

Tanging nakawala ang boys’ 13-17 na napanalunan ni John Marx Anastacio ng Pangasinan (6.5) habang napunta ang pilak at tanso kina John Marvin Miciano ng North Cotabato (6.0) at Carl Zirex Sato ng Panabo City.

Nagwagi rin sa girls 12-under sina Alphecca Gonzales ng Cebu Province (6.5) habang ikalawa si Jerlyn Mae San Diego ng Dasmariñas (6.0) at Marjeri Janapin ng Taguig City (5.5).

Hinablot naman ni Jerlyn Mae San Diego ng Dasmariñas City ang ginto sa blitz girls 12-under sa natipon nito na kabuuang anim na puntos habang ikalawa si Ma. Elayza Villa ng Mandaluyong City. Ikatlo si Josemirel Jene Panol ng Pasig City na may natipon na 5.5 puntos.

Inuwi ni Quizon ang kanyang ikalawang ginto sa blitz boys 12 Under sa natipon na 7 puntos. Ikalawa si Prince Richvil Mella ng Palo, Leyte na may 5.5 puntos kasunod si Jerish John Velarde.

Nanalo sa blitz boys 13-17 si Chris Aldritz Pondoyo ng Cebu City habang ikalawa si John Marvin Miciano ng North Cotabato at ikatlo si Jester Sistoza ng Makati City nang isagawa ang tiebreak bunga ng pagtatabla ng tatlo sa tig-anim na natipong puntos.

Nagtipon naman ng pitong puntos si Mordido para sa ikalawa rin nitong ginto sa blitz girls 13-17. May anim na puntos si Laila Camel Nadera ng Cebu City para sa pilak habang wagi sa tiebreak si Genlaiza Pearl Bagorio ng Nueva Vizcaya para sa tansong medalya.

Ang kapwa beterano na sa internasyonal na torneo na sina Mordido at Quizon ay inaasahan na tatanggap ng pabuya na P10,000 mula kay Dasmariñas City Mayor Elpidio Barzaga Jr. base sa pangako nito na mapapanalunang gintong medalya ng bawat kasali sa delegasyon.

Nagwagi rin ng gintong medalya ang triple silver medalist sa nakaraang Asian Youth Weightlifting Championships na si Ma. Dessa Delos Santos ng Zamboanga City sa pagtatapos ng weightlifting competition matapos na magtala ng 70 sa snatch at 85 sa clean and jerk para sa kabuuang nabuhat na 155  kilograms sa 13-17 years old girls 58 kg.

Wagi rin si Eriel Cardano ng Quezon City sa boys +58kg 13-17 years old sa binuhat na 58+65=123 kg habang inuwi ni John Kevin Padullo ng Manila ang ginto sa boys +62kg 13-17 years old sa iniangat na 110+135=245kg.

Read more...