Silbi ng road signs

ANDAMI na nating ginagawa para maayos ang masikip na daloy ng trapik sa bansa pero parang ang hirap nito magawa.

Ang totoong pakay kasi dapat dito ay disiplina at maayos na pagsunod sa batas trapiko.

Pero, papaano nga ba natin maipatutupad ang batas trapiko at maiuugat ang disiplina kung wala ang mga “tools” para rito?

Paano malalaman ng driver kung anong “lane” siya dapat kung walang guhit sa kalsada?

Paano malalaman kung kailangan lumipat ng linya bago lumiko kung walang road sign na nagsasabi ng direksiyon?

Paano malalaman kung bawal kung hindi ito nakapaskil ang malaking karatula na dapat ay makikita ng lahat?

Sa malalaking bansa tulad ng Amerika, Britanya, Australia, Japan at maging South Korea, ang mga road signs ay sadyang malalaki at malilinaw.

Halos bawat 500 metro ay may karatula na nagsasabi kung ano ang dapat gawin ng sasakyan.

Ang road lanes ay malinaw at lahat ng linya ay maaayos. Pati linya kung kakaliwa o kakanan ay nakalatag upang makita ng driver kung saan siya dadaan.

Hindi tulad sa bansa natin na madalas sa hindi ay walang guhit sa kalye kaya sala-salabat ang daloy ng sasakyan. Ang mga road signs at napakaliit o kaya ay nakatago at walang maayos na direksiyon.

Sabi sa akin ng barkada ko sa DPWH talagang tinitipid daw ito para mas malaki ang kickback mula sa mga kontratista. Wala naman daw silbi ito dahil hindi sinusunod.

Pero ang traffic lanes at signs ang isa sa mga “tools” ng traffic enforcer para manghuli ng mga pariwarang driver. Dahil kung malinaw ang linya, malaki ang karatula at maayos ang direksiyon, hindi magagawang tumanggi ng nagkamaling driver sa kasalanan niya.

Napatunayan na rin sa napakaraming pag-aaral na ang mga signs at directions ay epektibo sa pagdisiplina sa ugali ng tao.

Auto Trivia: Hanggang Dekada 90, ang Volkswagen Beetle ang pinaka-bestselling vehicle na umabot ng 21,529,464 units ang nabenta. Nalampasan lang ito ng Toyota Corolla noong 2000’s. Noong July 2013, ang Corolla na ang may pinakamaraming nabenta na humigit sa 40 milyon units.

Read more...