SA loob ng 20 taon na paglilingkod ng Bantay OCW sa ating mga kababayan at kanilang mga kamag-anak, ito ang kauna-unahang pagkakataon na maringgan natin ang ating pamahalaan na magbabalik umano sila ng ibinayad na mga kontribusyon ng OFW sa Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA).
Ito ang masayang ibinalita ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac sa Radyo Inquirer 990 AM.
Aniya, binabalangkas nila ang naturang programa at nakatakda itong maisakatuparan bago magtapos ang kasalukuyang taon.
Ayon kay Cacdac, masusing pinag-aaralan ito ng OWWA at sa inisyal na ulat, sasakupin nito ang mga OFW na mahigit sa 10 taon nang naging miyembro ng OWWA.
Tiyak na labis itong ikatutuwa ng ating mga OFW. Alam kasi nilang pera nila at hindi mula sa kaban ng bayan ang pondo ng OWWA.
Pera ng OFW ang pinatatakbo ng OWWA para sa kanilang benepisyo at proteksyon sa buong panahong nasa ibayong dagat ang isang OFW.
At kahit na nakabalik na ang isang OFW sa Pilipinas, maaari pa rin siyang makakuha ng mga benepisyo sa OWWA tulad ng scholarship program para sa kanilang mga kapamilya at programang pang-kabuhayan.
Masayang ibinalita ni Cacdac na 75 porsiyento ang itinaas na budget para sa reintegration program ng OWWA, patunay lamang umano ito na nakatutok ang pamahalaan sa alternatibong mga kabuhayan ng OFW at pamilya nito na hindi na lamang naka depende sa pangingibang-bayan.
Hindi pa man nakaaalis ang isang OFW, tiyak naman na nag-iisip itong makapag-ipon lamang ng kahit kaun-ting puhunan at sa kaniyang pagbabalik,
inaasam-asam nito na makapagpatayo ng isang negosyo.
Sa katotohanan lamang, hindi rin naman kasi gugustuhin pa ng isang OFW na mamasukan o maging empleyado muli sa kanilang pagbabalik sa Pilipinas. Sa laki ng suweldo na kinita nito sa ibayong dagat, tiyak namang memenosin na lamang nito ang anumang halaga na maaaring ipasuweldo pa sa kanya sa Pilipinas.
Buhay na buhay nga ang espiritu ng pagnenegosyo sa bawat Pilipino. Positibo si Cacdac na nanalaytay sa dugo ng Pinoy ang pagi-ging negosyante.
Inihalimbawa nito ang ilang obserbasyon sa mga panahong nata-traffic umano siya. Pansin niyang kayang-kayang magbenta ng kahit ano ng ating mga kababayan kapag mahigpit ang daloy ng trapiko. Nariyan ang mga naglalako ng tubig, kendi, mani o mga tsitsirya.
Paanyaya ni Cacdac, alamin ng bawat OFW ang mga programa ng OWWA at tiyak na sila ang inyong kapartner sa kabuhayan.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM mula Lunes hanggang Biyernes, alas-10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali; may audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com
OWWA magbabalik ng bayad
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...