Sikat na aktor may binabalik-balikan sa palengke

MARAMING impormanteng tuwang-tuwa sa pagiging responsable ng isang pamosong aktor na kahit pa gumanda ang kapalaran ay hindi nakalilimot sa kanyang mga mahal sa buhay.

Kung ilarawan ng mga taong malapit sa kanya ang aktor ay walang kadamut-damot, palaging bukaspa-lad, kaya naman lalo pang gumaganda ang takbo ng kanyang career.

Sa kanyang kabataan ay nagkaroon siya ng anak, isang responsibilidad na para sa ibang kalalakihan ay isang malaking problema para sa babae, pero ibahin natin ang guwapo at sikat na aktor na ito.

Sa kuwento ng isang source na malapit sa aktor, “Du’n naman kami saludo kay ____ (pangalan ng pamosong aktor), hindi siya nakalilimot sa mga taong naging bahagi ng buhay niya nu’ng walang-wala pa siya.

“Ang mga kamag-anak niya, ang mga kaibigan niya, lalo na ang mismong family niya! Nakakatuwa dahil ang dami-dami naming kilalang artista na kapag meron na, e, wala na, nagbabago na!

“Pero siya, kahit yata wala nang matira sa kanya, e, sige lang, dahil ang mahalaga sa kanya, e, ang makapagpasaya ng mga tao sa paligid niya,” nagmamalaking kuwento ng aming impormante.

Maganda ang kanyang career, bukod sa pinagbibidahan niyang serye ay marami siyang raket, madalas siyang mapanood sa mga TVC.

“Mas marami pang darating na suwerte sa kanya, kasi nga, hindi siya maramot. Lagi siyang tumutulong sa mga taong part ng buhay niya. Saka hindi maangas ang taong ‘yun! Wala siyang kayabang-yabang sa katawan.

“Alam n’yo bang hanggang ngayon, e, dinadalaw niya pa rin ang mga dating nakatrabaho niya sa isang palengke? Naku, hindi siya nagsasabi kung kailan siya darating, basta bigla na lang siyang sumusulpot! Wala siyang amnesia!” papuri pa sa aktor ng aming source.

Totoo, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, ang buhay ay parang echo lang. Kung ano ang isinigaw mo, ‘yun din ang boses na babalik sa iyo, getlak n’yo na kung sino siya?

Read more...