Bagyong Marce lalong lumakas habang papalabas ng bansa

NAGBUHOS ng ulan ang bagyong Marce habang tinatahak nito ang direksyon palabas ng bansa.

Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration inaasahang sa Linggo lalabas ang bagyo na lalong lumakas kahit na tumawid ito sa kalupaan.

Ang bagyo ay namataan 85 kilometro sa hilaga-hilagang silangan ng Cuyo, Palawan ala-1 ng hapon.

Mayroon itong hangin na umaabot sa 65 kilometro bawat oras ang bilis at pagbugsong 100 kilometro bawat oras.

Umuusad ito sa bilis na 22 kilometro bawat oras patungong kanluran-hilagang kanluran.

Sabado ng umaga, ang bagyo ay inaasahang nasa layong 325 kilometro sa timog-kanluran ng Iba, Zambales.

Nitong Biyernes, itinaas ng Pagasa ang signal no. 2 sa Calamian group of Islands, Cuyo Island, katimugang bahagi ng Occidental Mindoro, katimugang bahagi ng Oriental Mindoro, Aklan at hilagang bahagi ng Antique.

Signal no. 1 naman sa iba pang bahagi ng Occidental Mindoro at Oriental Mindoro, hilagang Palawan, Romblon, Guimaras, Capiz, Iloilo, at iba pang bahagi ng Antique.

Read more...