Jeffrey De Luna runner-up sa All Japan 9-Ball Championship

UMABOT hanggang final round si Jeffrey de Luna ng Pilipinas pero binigo  siya ni Ko Pin-Yi ng Taiwan, 3-11, para magkasya sa runner-up honors sa 49th annual All Japan 9-Ball Championship Miyerkules ng gabi sa Archaic Hall sa Amagasaki City, Hyogo, Japan.

Nakapasok si De Luna sa finals matapos niyang talunin si Chang Yuan ng Taiwan, 11-7, sa semifinals.
Tinisod naman ni Ko si Thorsten Hohmann ng Germany, 11-8, sa isa pang semis duel.

“Masayang-masaya po ako nakapasok ako sa finals kasi walang tumimbang na Pinoy sa world event sa taong ito,” sabi ni De Luna.

Sa round-of-64 ay binigo ni De Luna, na tambay at laging nagpapraktis sa Star Billiards Center at King of Sports Resto Bar, si Toru Kuribayashi ng Japan, 11-6.

Nanaig din si De Luna sa mga kapwa Pinoy na sina Ramil Gallego, 11-6, sa round-of-32, Warren Kiamco, 11-8, sa round-of-16 at Dennis Orcollo, 11-6, sa round-of-8.

Dahil sa panalo ay ibinulsa ni Ko ang $25,000 top purse habang nagkasya si De Luna sa $12,000 runner-up prize.

Ito na ang ikalawang  impresibong tagumpay ni De Luna sa taong ito.

Nito lamang Agosto  ay pinadapa ng 32-anyos na si De Luna ang WPA World No. 1 na si Chang Jung-Lin ng Taiwan, 13-7, sa finals ng CBSA 9-ball event sa Shanghai, China tungo sa pagbulsa ng $15,000 premyo.

Nakatakda namang lumahok ni De luna sa  Senator Manny Pacquiao Billiards Tournament na gaganapin sa Disyembre 6-17 sa General Santos City.

Read more...