NASAGASAAN ng pagdinig sa Senado ang aming programa nu’ng Biyernes nang umaga.
Dahil may PBA na naman, ang “Cristy Ferminute” ay napapanood tuwing alas onse nang umaga hanggang alas dose nang tanghali tuwing Miyerkules at Biyernes, pero tuwing Lunes, Martes at Huwebes ay napapanood-napapakinggan pa rin ang CFM tuwing alas kuwatro hanggang alas sais nang hapon.
Sa una naming paglipat ng oras ay natiyempo ‘yun sa paggisa ng Senado sa kontrobersiyal na drug lord na si Kerwin Espinosa. Makapigil-hininga ang kanyang mga rebelasyon, tampok sa kanyang salaysay ang mga pulis na diumano’y naging protektor nito sa kanyang ilegal na gawain, may mukhang totoo at mukhang meron ding mga kuwentong imposible ang ilegalistang si Kerwin.
Pero kung nadiin na naman si Senadora Leila de Lima sa mga kumpisal ng drug lord ay nabanlawan naman ang pangalan ni Mayor Richard Gomez na sa unang pagdinig ng kaso ng pagpatay sa ama ni Kerwin ay idinamay sa pagtanggap ng drug money.
Madiing ipinahayag ni Kerwin na wala itong ibinibigay na pera kay Mayor Richard, walang-wala raw silang komunikasyon, nilinis nito ang nadagtaang pangalan ng aktor-pulitiko.
Pero sa kabila ng paglilinis ni Kerwin sa pangalan ni Mayor Richard Gomez ay tuloy pa rin ang pagsasampa niya ng kaso sa mga otoridad na kumaladkad ng kanyang pangalan sa usapin ng ipinagbabawal na gamot.
Dapat lang. Nararapat lang. Hindi binuo ni Richard Gomez ang kanyang pangalan nang magdamagan lang.