NAUNA nang magpa-Christmas get-together si Public Attorney’s Office Chief Persida Acosta sa entertainment media noong Lunes dahil magiging abala na raw siya ngayong Disyembre.
Sa nasabing event ay hiningan ng reaksyon si Atty. Persida hinggil sa pagkakadawit sa Ormoc City Mayor Richard Gomez sa ilegal na droga.
Paliwanag ng abogada, “Ang dapat gawin ni Richard ay harapin niya with composure. Kung hindi naman totoo, e, di magwawagi siya dahil inaalis naman sa listahan.
“Kapag tumakbo ka sa kandidatura, dapat mapili ka kung kanino ka tatanggap ng donasyon. Kasi ‘yung iba, tanggap lang nang tanggap ng donasyon, e. Dapat alam mo.
“Tulad kayo (entertainment media), halimbawa, may nagdo-donate sa EnPress, sa PMPC at SPEEd, namimili rin siyempre kayo, mahirap pag hindi legitimate ‘yung source,” aniya.
Tinanong din ang PAO Chief kung humingi ng tulong ang mga aktres na kasalukuyang nakapiit ngayon dahil nahulihan ng droga tulad nina Sabrina M at Krista Miller.
“Hindi ko masabi kasi ang laki ng PAO, eh. Meron mga humihingi, si Sugar (Mercado, kaso sa asawa), humingi ‘yun. Pero later on, kumuha rin ng private kasi siyempre sa stature niya. Si Amalia Fuentes, lumapit, pero for advice, puwede naman magpa-advice, ke mayaman o mahirap,” pahayag ni Atty. Acosta.
Sabi pa niya kapag may lumapit at humingi ng tulong maski na involved sa drugs ay hindi raw nila puwedeng hindi tulungan.
“Hindi naman puwedeng tanggihan (drug victim/suspect), basta karapat-dapat na tulungan, ke may kasalanan o wala. Pagdating kasi sa hukuman kapag wala kang lawyer, ke kriminal ka o hindi, puwede ang PAO. Kailangan ng due process,” katwiran pa nito.
Lahat daw ng sangkot sa droga lalo na kung artista ay pinagbabagong buhay na at pinapa-rehab, o voluntary submission para ma-test, “May mga nagpapa-rehab naman, pero secret lang tayo kasi may mga dangal din naman ang mga ‘yan,” sabi pa ni Atty. Persida.