Dayan: Kerwin Espinosa nagbigay ng drug money kay de Lima

INILAGLAG ni Ronnie Dayan ang dati niyang karelasyon na si Senador Leila de Lima, matapos umamin na tumanggap ito ng drug money mula kay  Roland “Kerwin” Espinosa Jr.,  ang sinasabing big time drug lord ng Eastern Visayas.

Ayon kay Dayan, limang beses na tumanggap ng drug money si de Lima noong 2014, habang siya ay Justice Secretary pa lamang ng administrasyong Aquino.

Ginawa ni Dayan ang pag-amin  matapos siyang tanungin ni House majority leader Rodolfo Farinas tungkol kay Espinosa, sa ginawang press conference sa Kamara Martes ng gabi.

Dinala si Dayan sa Kamara ng PNP para sa gagawing pagdinig sa Huwebes tungkol sa drug trafficking.

Inurirat ni Fariñas si Espinosa matapos nitong itanggi na siya ay tumanggap ng drug money.

“Eh, yung si Kerwin?” tanong ni Farinas.

“Kay Kerwin meron,” sagot naman ni Dayan.

“Ano’ng meron?” dugtong na tanong ni Fariñas.

“Meron akong natatanggap… para kay senadora po,” pahayag naman ni Dayan.

Dagdag pa ni Dayan, alam ni de Lima ang tungkol sa pera dahil siya mismo ang nag-utos sa kanya tungkol dito.

Ibinigay ni Espinosa ang pera kay de Lima bago pa ito tumakbo sa pagkasenador noong nakaraang Mayo.

“I no longer counted [the money] when it was given to me. When it was given to me, I just put it in the car and left it in the car… I am sure she looked at it,” dagdag pa ni Dayan.

Inamin ni Dayan na nakarelasyon niya ang senador sa loob ng pitong taon.

Nag-resign siya kay de Lima noong 2014.

 

Read more...