HINDI nasungkit ng Kapamilya actress na si Jodi Sta. Maria ang best actress trophy sa katatapos lang na 44th Annual International Emmy Awards na ginanap sa Hilton New York Hotel kahapon.
Nominado si Jodi para sa kanyang natatanging pagganap bilang Amor Powers sa Kapamilya series na Pangako Sa ‘Yo na pinagbidahan din nina Angelica Panganiban, Daniel Padilla at Kathryn Bernardo.
Ang itinanghal na best actress ay si Christiane Paul ng Germany para sa Unterm Radar.
Hindi rin pinalad ang ABS-CBN series na Bridges Of Love nina Jericho Rosales, Maja Salvador at Paulo Avelino na nominado naman sa kategoryang Best Telenovela na ibinigay naman sa Verdades Secretas.
Bago pa nagtungo si Jodi sa New York, sinabi nitong ang ma-nominate lang sa nasabing international award-giving body ay isa nang malaking achievement para sa kanya.
“Sobrang naiyak na lang talaga ako. Hindi ko na ito inisip eh. Ma-recognize ka nga lang dito sa Philippines, enough na nga iyon. Pero para maisama pa abroad, tapos Emmys pa, parang, ‘Huh? Totoo ba ito?’ Sobrang sobrang sobra na,” ang sabi pa ng aktres.