Pakiusap ng MMFF sa mga Pinoy: Tumikim ng ibang putahe sa Pasko!

viber image

ISA ang character actress na si Mae Paner (mas kilala bilang si Juana Change) sa mga miyembro ng MMFF 2016 screening committe na nagnanais ng pagbabago sa taunang film festival tuwing Pasko.

Ayon kay Mae, naiintindihan niya ang sentimyento ng mga taong kumukuwestyon sa pagpili nila ng walong official entry para sa MMFF ngayong taon.

“‘Yung tungkol doon sa commercial films na hindi nakasama, we have 365 days naman sa isang taon, ang hinihingi lang naman ng MMFF ay ang walong magagandang pelikula na mapanood sa loob ng dalawang linggo, so, siguro naman, that’s not a lot to ask. Given the other films, you can show it for the rest of the year,” paliwanag ng komedyana.

Sa walong napiling pelikula ay parang hindi naman makaka-relate ang fans ng mga box-office stars tuwing MMFF na sina Vic Sotto, Coco Martin at Vice Ganda? Ano ang puwedeng panoorin ng mga bagets na 10 taon pababa?

“I think the other movies, apart from ‘Saving Sally’ at ‘yung ‘Vince, Kath & James’ ay papatok sa mga bata. Although papatok pa rin siya sa mas malawak na audience, hindi lang sa kabataan. Inuna talaga namin ‘yung kalidad ng pelikula,” sabi ni Mae.

Kaya dinudumog ang taunang MMFF ay dahil sa malalaking artistang kilala ng mga bata. Sa totoo lang, ang mga bagets ang nagpapalaki ng gross ng bawa’t pelikula dahil bitbit nila ang kanilang magulang, mga kapatid o yaya kapag manonood.

Paano kung wala nang manood dahil hindi naman kilala ng mga bata ang mga bida sa mga pelikulang kasali. Sabi ng isa pang miyembro ng komite na si Ms. Crispina Belen (dating broadsheet entertainment editor), “It’s their loss if they don’t see the movies. Sabi nga kailangan natin ng pagbabago rin, kaya inumpisahan na namin sa choices ng films.”

Hirit naman ni Mae, “Feeling namin pag may ibang putahe na mas masarap papatok din siya sa manonood.”

“Hindi namin kinonsider ang big stars, basta ang kinonsider namin ay mga pelikula sa kabuuan. Kung merong big star, fine, kung wala, okay lang. In other words, walang prejudice laban sa isang pelikula,” sabi naman ni Nicanor Tiongson, leading critic and creative writer sa Ateneo de Manila University.

Sa katwirang ito ni Mr. Tiongson sa tingin ba nila kikitain nila ang target nilang kita na P1.5 billion?
Anyway, inamin ni Mae na hindi rin nila kilala ang ibang artistang kasama sa ilang pelikulang napili lalo na ang “Vince, Kath & James” mula sa ABS-CBN.

Kuwento ni Mae, “May isang pelikula na natapos na naming panoorin, sabi namin anong pangalan ng batang ‘yan, grabe, sabi namin, future Papa P (Piolo Pascual). Hindi namin siya kilala, pero we fell in love with him. Si Vince, OMG talaga, grabe hindi ko siya kinaya.”

Katwiran pa ni Mr. Tiongson, “Kaya nga we’d like to discover talents like this, hindi ‘yung yun at yun na lang nakikita namin. Especially these particular boys, really amazing!”

Ang binabanggit nila ay si Joshua Garcia na kasama sa pelikulang “Barcelona” at sa seryeng The Greatest Love bilang apo ni Sylvia Sanchez.

Muli narito ang mga pelikulang bumubuo sa Magic 8 ng 2016 MMFF: “Ang Babae Sa Septic Tank 2: Forever Is Not Enough” nina Eugene Domingo at Jericho Rosales sa direksyon ni Marlon Rivera; “Die Beautiful” ni Paolo Ballesteros directed by Jun Robles Lana; “Kabisera” ni Superstar Nora Aunor; “Oro” ni Joem Bascon at idinirek ni Alvin Yapan; “Saving Sally” nina Rhian Ramos at TJ Trinidad, directed by Avid Liongoren; “Seklusyon” nina Dominic Roque, Ronnie Alonte, John Vic de Guzman, sa direksyon ni Erik Matti; “Sunday Beauty Queen” na isang documentary-drama ni Babyruth Villarama-Gutierrez; at “Vince, Kath & James” nina Julia Barretto, Joshua Garcia at Ronnie Alonte with Ian Veneracion, Bea Alonzo, Iza Calzado at Enchong Dee na idinirek ni Theodore Boborol.

Read more...