AKO po si Eljay Loquillano. Ask ko lang po kung totoo po na mabilis nang naa-approve ang mga loan sa SSS. Kami po kasi ay two weeks nang hinihintay pa ang loan. Taga-GMA, Cavite po ako at nag-file sa Carmona SSS.
Sana po ay masagot ninyo ako.
Maraming
Salamat po.
God Blessed Us!
REPLY: Ito ay tungkol sa inyong e-mail kaugnay sa katanungan ni G. El Jay Loquillano ng GMA Cavite ukol sa kanyang salary loan.
Hindi po niya nabanggit ang kanyang SSS number para maberipika ang kanyang salary loan.
Gayunpaman, ang salary loan ay isang pribilehiyo na ipinagkakaloob ng SSS sa mga miyembro upang matugunan ang kanilang panandaliang pangangailangang pinansyal.
Ang isang miyembro na nais umutang ay dapat may hindi bababa sa 36 buwanang kontribusyon, kung saan ang anim na kontribusyon ay nakuhulog sa loob ng huling 12 buwan bago ang pag-file ng aplikasyon.
Kung sakaling mayroong dating loan, kailangan ang balanse nito ay hindi sosobra sa 50 porsiyento ng principal ng dating loan.
Kapag natugunan ang mga kwalipikasyong ito, ipoproseso ng SSS ang loan at kukwentahin kung magkano ang maaari utangin.
Iba’t iba ang paraan ng pag-release ng salary loan. Pangakaraniwan, nag-iisyu ang SSS ng tseke at ipadadala ito sa employer kung ang umuutang ang kasalukuyang employed, o sa bahay kung ang umuutang ay voluntary o self employed na miyembro ng SSS.
Tatlo hanggang limang araw mula sa pagtanggap ng salary loan application ay may tseke na ito mula sa SSS. Ipadadala ang tseke sa pamamagitan ng koreo. Maaari ring matanggap ang salary loan sa pamamagitan ng Citi Prepaid Card, SSS-UnionBank Quick Card o di kaya sa savings o checking account ng miyembro sa UnionBank na available sa piling sangay ng SSS.
Tatlong araw lamang simula sa araw ng aplikasyon ang pagproseso ng salary loan gamit ang cash card.
Iminumungkahi namin sa kanya na makipag-ugnayan sa SSS Carmona Branch ukol sa kanyang salary loan. Maaari siyang tumawag sa mga telephono bilang (046) 413-0683 or 430 – 0960 o kaya ay magpadala ng mensahe sa carmona@sss.gov.ph. Maaari ring malaman ang iba pang impormasyon ukol sa SSS at ang mga programa nito sa SSS website (www.sss.gov.ph).
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang kanyang katanungan.
Salamat po.
Sumasainyo,
May Rose DL
Francisco
Social Security
Officer IV
SSS Media Affairs Department
Noted:
Ma. Luisa P. Sebastian
Assistant Vice
President
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog97@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.
Ang inyo pong lingkod ay maaari rin mapakinggan sa Radyo Inquirer DZIQ 990AM sa Programang Let’s Talk; Mag-usap Tayo, tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, alas-7 hanggang alas-8 ng gabi; at Isyu ng Bayan tuwing Linggo, alas-8 hanggang alas-10 ng umaga. Maaari rin po ninyo na matunghayan o mapanood sa pamamagitan ng live streaming www.ustream.tv/channel/dziq.