Suspensyon dapat bang labanan?

NAGLABAS ng ilang desisyon ang Sandiganbayan na nagsususpinde sa ilang mambabatas na nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act 3019).

Si Sen. Joseph Victor Ejercito ay sinuspinde sa kasong may kaugnayan sa pagbili ng baril ng San Juan City government noong siya pa ang mayor ng lungsod. Nagkakahalaga ang transaksyon ng P2.1 milyon.

Sa isang privilege speech ay sinabi ni Ejercito na siya ay boluntaryong susunod na utos ng korte at 90 araw na magpapasuspinde.

Sinabi ni Ejercito na boluntaryo siyang nagpapasuspinde hindi dahil siya ay guilty kundi bilang paggalang sa kapangyarihan ng korte. Naniniwala siya na sa huli ay mapapawalang-sala siya.

Ayon kasi sa Section 13 ng RA 3019, sususpendihin ng korte ang opisyal ng gobyerno na kapag napatunayan ng prosekusyon na valid ang kasong isinampa nito.

Habang suspendido ay wala siyang matatanggap na sahod at benepisyo. Kung sa huli ay mapatutunayan na wala siyang sala, ibibigay naman sa kanya ang sahod at benepisyo na hindi ibinigay sa kanya habang suspendido.

Ilang beses ng sinabi ng korte na hindi parusa ang ganitong uri suspension order.

Kapag napatunayang guilty, kulong ang parusa sa kanila at hindi lamang suspension.

Bukod kay Ejercito, sinuspinde rin ng korte si Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon. At hindi niya rin hinarang ang desisyon ng korte.

Sabi ni Biazon hindi niya gagamiting panangga ang Kamara de Representantes upang harangin ang utos ng Sandiganbayan.

Ang tanging hiling niya sa Kamara ay sumulat sa korte upang sabihin na boluntaryo itong nagpapasuspendi.

Bawas sakit ng ulo sa liderato ng Kamara.

Gaya ni Ejercito, naniniwala si Biazon na makikita ng korte na mali ang kasong isinampa laban sa kanya ng Office of the Ombudsman.

Ang kaso ni Biazon ay kaugnay ng P3 milyong bahagi ng kanyang Priority Development Assistance Fund na napunta sa Philippine Social Foundation Inc., isang non-government organization ni Janet Lim Napoles.

Pero hindi lahat ay katulad ni Ejercito at Biazon.

Kagaya ni Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte Jr. Siya ay pinatawan din ng 90 araw na suspension order ng Sandiganbayan.

Karapatan naman ni Villafuerte na labanan ang desisyon ng korte kung sa palagay niya mali ito.

Ang suspensyon kay Villafuerte ay kaugnay ng maanomalya umanong pagbili ng P20 milyong halaga ng produktong petrolyo ng Camarines Sur noong siya pa ang gubernador ng lalawigan noong 2010.

Marahil iba ang pananaw ni Villafuerte sa RA 3019 kaya hindi gaya nina Ejercito at Villafuerte ay hindi siya nagboluntaryong magpasuspinde.

Mayroon ding hakbang sa Kamara upang amyendahan ang Anti-Graft Law. Nais nila na gawing exempted ang mga mambabatas sa preventive suspension kung nagawa nila ang inaakusang krimen noong sila ay nasa ilalim pa ng Executive Department.

May punto naman sila roon. Ang preventive suspension kasi ay ipinapataw para hindi maimpluwensyahan ng isang opisyal ang kaso. Wala na nga sila sa dating puwesto, paano pa daw nila ito maiimpluwensyahan?

Kuwestyunable ang isyu ng maiimpluwensyahan.

Kahit naman kasi suspended ang isang mambabatas, kung ang may hawak naman ng opisina na dati niyang inookupa ay asawa o anak niya, wala rin (maliban na lang siguro kung magkaaway sila).

READ NEXT
Perseverance
Read more...