Pacquiao: Kerwin binigyan umano si de Lima ng P8M ‘protection money’
BINIGYAN umano ng pinaghihinalaang drug lord na si Kerwin Espinosa si Sen. Leila de Lima ng kabuuang P8 milyong “protection money.”
Ito’y ayon kay Sen. Manny Pacquiao na aniya’y naka-video ang kanyang pakikipag-usap kay
Espinosa ilang oras matapos siyang dalhin sa Camp Crame sa Quezon City matapos dumating mula sa Abu Dhabi noong Nobyembre 18.
“Ayon sa kanyang sinabi sa akin e si Leila de Lima,” sabi ni Pacquiao sa panayam ng Headstart. “Binanggit n’ya na P8 million ‘yung naibigay n’ya du’n kay De Lima totally.”
Sinabi pa ni Pacquiao na buwanan umano ang ibinibigay ni Kerwin kay de Lima nang siya pa ay kalihim ng Department of Justice (DOJ).
“Ang sinabi sa kanya, parang may proteksyon ka. Sabi ni Kerwin, ‘paano ko masigurado na may proteksyon talaga ako? Paano ko masigurado na si Ma’am talaga ang nag-uutos sa’yo o ano?’ Kaya later on pinapunta s’ya sa Baguio,” ayon pa kay Pacquiao.
Idinagdag ni Pacquiao na ang dating boyfriend umano ni de Lima na si Ronnie Dayan ang nag-ayos ng pagkikita ng dalawa.
“Paano s’ya napunta sya Baguio? Dahil itong si Dayan ang komontak pala sa kanya. Tapos pinapunta sya ni Dayan du’n sa Baguio,” dagdag ni Pacquiao.
“Hindi naman n’ya (Espinosa) alam na.. may relasyon silang dalawa. Basta tao s’ya ni De Lima tapos pinapunta s’ya sa Baguio and then nagkita sila d’on tapos sinabi sa kanya nandyan, na meet n’ya si De lima…’O, alam mo na s’ya ang may utos sa akin,’” ayon pa kay Pacquiao.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.