Pascua kampeon sa Malaysia blitz-rapid chessfest

NAGPAMALAS kahusayan si Grandmaster candidate Haridas Pascua sa tampok na men’s open division upang tanghaling kampeon sa ginanap na Malaysia Rapid and Blitz Chess Championships 2016 sa Universiti Teknologi Petronas sa Ipoh, Perak, Malaysia nitong Nobyembre 12 at 13.

Pinatumba ng top seed na 21-anyos mula Pangasinan ngunit naninirahan sa Baguio na si Pascua ang pitong katunggali at tumabla sa dalawang iba pang karibal upang mangibabaw sa Open men’s rapid na sinalihan ng 75-player, 4 na bansa at 2-day chessfest para iuwi ang Malaysian ringgit 1,000 (P11,299) cash prize kasama ang championship trophy.

Binigo ni Pascua, na naghahabol sa kailangang rating para tuluyang ideklarang Grandmaster, sina Malaysian 38th seed Wong Zie Yue, 23rd Keok Kai En, 14th seed Yeoh Phee Leong Marcus, 9th seed Wahiduddin Kamalarifin, 11th seed Candidate Master Fong Yit San, 13th seed Yusof Kamaluddin at 10th seed Erowan Masrin.

Tumabla ito kina 2nd seed Filipino International Master Emmanuel Senador at 4th seed Ng Tze Han ng Malaysia para sa 8.0 sa posibleng 9.0 puntos.

Tumapos na sixth placer si Senador na may solo 6.5 puntos at MYR300 (lampas P3,000). Pumangalawa si IM Mas Hafizulhelmi at ikatlo si Han.

Pumangatlo muna ang 2nd seed na si Pascua sa Len Lapid Rapid Open Chess Tournament 2016 sa Bandung, Indonesia noong Nobyembre 5-6 na nilahukan ng 76 woodpushers ng dalawang bansa sa 7.0 puntos.

Nasa likuran si Pascua nina 8th seed IM Muhammad Lutfi Ali at top seed GM Susanto Megaranto na may magkaparehong 7.5 puntos pero wagi ang una sa pamamagitan ng mas mataas na tiebreak points.

Pinapataas ni Pascua ang ELO rating niya sa kasalukuyang 2409 para sa asam na 2500 upang maging ika-19 GM ng bansa bago matapos ang taon.

Sasabak pa ito sa Raja Catur Sabak Bernam sa Nobyembre 19 sa Kuala Lumpur, Malaysia, Philippine International Chess Championship sa Disyembre 5-11 at PSC-Puregold Chess Challenge sa Disyembre 13-18 na parehong isasagawa sa Subic, Olongapo at ang Jollimark International Open Chess Championships sa Disyembre 25-31 sa Hong Kong.

Read more...