INOKUPAHAN ng nagtatanggol na kampeon sa kababaihan na si Khim Iglupas ng Pilipinas ang silya sa quarterfinals habang nagpatuloy sa pagtala ng upset win ng baguhang si Shaira Hope Rivera sa girls singles sa ikatlong araw ng Phinma-PSC International Juniors Tennis Championships Week 1 sa Rizal Memorial Tennis Center sa Malate, Maynila.
Subalit kinailangan muna ng 18-anyos mula Iligan City na si Iglupas na umahon mula sa 3-4 paghahabol sa ikalawang set upang talunin ang 15-anyos at ranked No. 1493 na si Shiori Ito ng Japan.
“Her opponent is really good. I was told that champion iyon sa Under 14 sa WTA. But good thing Khim knows what to do. Iba na kasi ang game niya dahil variety na ang alam niyang shots as against other entries here,” sabi ng coach ni Iglupas na si Jun Toledo, na siya ring humahawak kay Rivera.
“Marami na po akong nakalabang Japanese at matitibay po talaga sila sa long game kagaya ng nakalaban ko. Ayaw po nila sa mga drop shots, slice o kaya iyong volley so iyon po ang ginawa ko. Pilit ko po siyang pinalapit sa net,” sabi ni Iglupas matapos ang isang oras at 12 minuto na laro.
Unang tinalo ng top seed at No. 102 ranked na si Iglupas si Aniya Holloway ng USA, 6-0, 6-0.
Binigo naman ng 17-anyos mula Oroquietta, Ozamis City at ranked 1341 na si Rivera ang nakatapat na qualifier na si Mia Wong ng Hong Kong, 6-1, 6-1, upang umusad sa round of 8.
Unang nagtala ng upset si Rivera matapos nitong patalsikin ang seeded No. 7 at ranked 764 na si Jordan Harris ng USA, 7-5, 7-5.
Hindi naman sinuwerte ang wild card na si Amanda Gabrille Zoleta na nabigo sa kapwa unranked na si Sabrina Alano ng Canada, 6-0, 6-2. Nabigo rin si Monica Therese Cruz kay Kuan Yi Lee ng Taiwan, 7-5, 6-0.
Habang isinusulat ito ay kasagupa naman ni Frances Angelika Santiago si Ting-pei Chang ng Chinese-Taipei.
Napatalsik din sa torneo sa boys division ang Filipino-Italian na si Diego Garcia Dalisay na nabigo sa loob ng tatlong set kay Christian Didier Chin ng Malaysia, 1-6, 7-5, 6-3. Sumunod dito si Manuel Balce III na hindi nakaiskor kontra seeded No. 2 Seita Watanabe ng Japan, 6-0, 6-0.
Una nang nabigo ang top seed at ranked 209 na si Bryan Otico sa Japanese qualifier na si Keisuke Saitoh, 4-6, 3-6, matapos ipagpatuloy ni tournament umpire Emboy Terrobias ang laro na natigil sa malakas na ulan gayundin si Arthur Pantino kontra kay Japanese Fumiya Yoshino, 3-6, 7-6 (3).
Tanging naiwan na lamang si Michael Francis Eala para sa Pilipinas sa 32-player boys’ draw ng Grade 4 ITF (International Tennis Federation) 18-under category event na iniisponsoran ng Phinma Group of Companies at Philippine Sports Commission.