GUSTO naming magseryoso sa pagbibigay suporta sa aming kaibigang si Ormoc City Mayor Richard Gomez.
Tama siya. Sa dinami-rami na ng mga pangit, nakakabigla at mga kaistupiduhang intriga at kontrobersya na hinarap niya as ilang taon niyang pagiging artista at politiko, ngayon pa ba siya pasisindak?
Matapang pang sabi ni Richard sa kanyang official statement, “Sa mga nagkakalat at may kinalaman sa drugs, pananagutan ninyo ito. ‘wag kayong mandamay. Man up. Face up to the consequences of your actions. ‘Wag n’yo guluhin ang issue. ‘Wag n’yo ipahid sa mga inosente ang kawalanghiyaan na ginagawa ninyo ng marami ng taon.”
Grabe pero sa maruming laro sa politika, mas dapat ngang magpakita ng tapang at tatag si Goma. Ni sa panaginip ay hindi namin naisip na masasangkot siya sa isyu ng droga kaya’t nakikiisa kami sa pagsasabing isang malaking kalokohan ang pagdawit sa kanya rito.
Since day one na nakilala at naging kaibigan namin si Richard, never naming pinagdudahan ang malinis at maganda niyang intensyon sa pagsugpo sa illegal drugs sa bansa.
Wala pa ang mga emote ng gobyerno ngayon laban sa mga adik at pusher, nauna na siya sa paglaban kontra droga sa pamamagitan ng kanyang foundation na MAD (Mamamayang Ayaw Sa Droga) na nagsimula noon pang dekada 90.
Ngayon pa ba kung kailan isang punong-lingkod na siya at isa sa itinuturing ng showbiz industry na matino, mabuti at never na nasangkot sa isyu ng drugs?
Hay, sorry ha, pero kahit hindi kami nagkakausap ngayon ng aktor, itataya ko ang magaganda kong karanasan sa showbiz since 1987 para sabihing isang kasinungalingan ang pagdawit sa kanya sa isyu ng drugs.
Nadawit si Goma sa isinagawang Senate probe sa pagkamatay ni Albuera, Leyte ‘narco-mayor’ Rolando Espinosa sa loob ng Baybay sub-provincial jail.