Alab Pilipinas sasabak sa ABL

TANGKA ng Pilipinas na mabawi ang dati nitong inuupuang trono sa ASEAN Basketball League (ABL).
Sa darating na ikapitong season ng ABL ay iniatang sa Alab Pilipinas ang misyon para masungkit ang ikatlong korona para sa bansa.

Ang koponan ay hahawakan ni dating De La Salle Green Archers player Ronald “Mac” Cuan at kinabibilangan nina Val Acuña, Robby Celis, Jeric Fortuna, Paolo Hubalde, Anthony Gavieres, Igge King, Jens Knuttel, Jovet Mendoza, JR Cawaling at ang Fil-Am na si Lawrence Domingo.

“Team Alab Pilipinas aims to be a symbol of hope and inspiration – a true representation of the Filipino’s never-say-die-attitude. This will be a fighting team with a big fighting heart, very true to the Philippine brand of basketball of speed, accuracy from the outside and inside, team chemistry, and brick wall defense,” sabi ni Cuan.

Ang 6-foot-5 forward na si Domingo ay nagtala ng average na 12 puntos at 8 rebounds sa kanyang senior year para sa Eastern New Mexico University Greyhounds.

Makakasagupa ng Alab Pilipinas ang Saigon Heat, Westsports Malaysia Dragons, Singapore Slashers, Kaohsiung Truth at Eastern Sports Club Lions ng Hong Kong.

Ang Alab Pilipinas ang ikaapat na koponan mula sa Pilipinas na sasabak sa liga sapul na magsimula ito noong 2009.
Ang AirAsia Philippine Patriots, na siyang nagwagi sa pinakaunang kampeonato noong 2010, at ang San Miguel Beermen, na nag-uwi sa titulo noong 2013, at Pilipinas MX3 Kings (na mas kilala bilang Pacquiao Powervit Pilipinas Aguilas) ang mga naunang nagrepresenta sa Pilipinas sa ABL.

Sisimulan ng ABL ang 2016-2017 season sa Nobyembre 25 tampok ang salpukan sa pagitan ng defending champion na Westports Malaysia Dragons at Singapore Slingers sa rematch ng nakaraang Finals.

Tatlong bagong koponan ang sasali sa ikapito nitong taon at ito ay ang Hong Kong Eastern Long Lions, Kaohsiung Truth (Taiwan) at Alab Pilipinas. Magbabalik naman ang Westsports Malaysia Dragons, Singapore Slingers at Saigon Heat.

Bawat isa sa anim na koponan ay maghaharap ng apat na beses sa tatlong buwan na eliminasyon kung saan ang unang apat na koponan na may pinakamagandang rekord ang papasok sa playoffs.

Matapos iuwi ang ABL title ngayong taon, agad na binago ng Malaysia ang kanilang lineup sa pagkuha sa serbisyo ng Thai-American na si Freddie Goldstein, at Marcus Melvin bilang kanilang world import. Mayroon din itong bago na coach kay Chris Thomas.

Matatandaang na nagsagupa ang Singapore at Malaysia sa thrilling, all-out, five-game series bago nagwagi ang Dragons sa kanilang kalaban sa sarili nitong bansa.

Ang Slingers ay kinuha naman ang serbisyo nina Xavier Alexander at Justin Howard sa paghahangad na tuluyan nitong masungkit ang titulo para sa Lion City.

Read more...