MISTULANG referee ngayong umaga si Senador Manny Pacquiao sa inaasahang mainit sa balitaktakan sa pagitan nina Jose “Peping” Cojuangco Jr. at Victorico “Ricky” Vargas ukol sa nalalapit na eleksiyon ng Philippine Olympic Committee (POC).
Gayunman, bago ang main event ay inaasahang aalamin ng World Boxing Organization welterweight champion at unang senador na naging kampeon sa boxing ang katotohanan sa napapaulat na hindi nararapat na pagbibigay pondo ng Philippine Sports Commission (PSC) at hindi pag-liquidate ng POC ng ginamit nitong P129.6 milyong pondo.
Sisimulan ang inquiry ng Senate Committee on Sports ganap na alas-10 ng umaga matapos naman magsumite ng proposal si Sen. Sonny Angara sa idinahilan nito na “in aid of legislation” para alamin ang mga nararapat na gawin sa dalawang isyu at makagawa ng batas para sa ikasasaayos at ikagaganda ng direksiyon ng sports.
Isinumite ni Angara ang Senate Resolution No. 229 na humihiling sa Committee on Sports sa ilalim ni Pacquiao para sa isang inquiry in aid of legislation sa “alleged unliquidated funds released to the POC” at “the unjust imposition of eligibility requirements for the candidates for POC president.”
Una nang ikinatuwa ng kampo ni Vargas at Cojuangco ang pagsasagawa ng inquiry upang kani-kanilang ihayag at maipaliwanag ang kanilang mga kontensiyon hinggil sa mga naglutangan na isyu hinggil sa paggamit ng pondo at pati na sa nalalapit na eleksiyon ng POC.
Hinihintay naman ng kampo ni Vargas ang mangyayari sa inquiry bago ang inaasahan nitong paghingi sa korte ng Temporary Restraining Order (TRO) upang pigilan ang nakatakdang eleksiyon ng POC na gaganapin sa Nobyembre 25.
Matatandaang diniskuwalipika si Vargas ng binuong POC election committee na ang una ay dahil sa pagiging ineligible nito para sa posisyon ng president dahil sa pagiging “inactive” o kawalan nito ng sapat na pagdalo sa general assembly bago naibasura ang apela nito na baliktarin ang desisyon.
“We have to go to court to prevent the election to take place on Nov. 25. We have no other recourse now but to ask the court, who is right and who is wrong,” sabi ng abogado ni Vargas na si Jake Corporal ng ACCRA Law Office.