MAS MAGANDANG mamahinga na lang muna si Kris Aquino, tapusin na niya ang 2016 na mukhang hindi umaayon sa kanyang mga plano, baka sa susunod na taon ay maging maganda na ang takbo ng kanyang career.
Naging maalat ang taong ito para kay Kris. Marami siyang pinaghandaan, kumuha siya ng sarili niyang staff para sa pagbubuo ng bagong programa, pero ang lahat ng ‘yun ay nabulilyaso.
Nagsimula at natapos sa puro bulilyaso ang kanyang karera sa taong ito, kaya kailangan na lang muna niyang palipasin ang 2016, sigurado namang magkakaroon ng mga pagbabago sa kanyang buhay at career sa susunod na taon.
Naging napakasakit lang para kay Kris ang mga pangyayari dahil itinuturing siyang isa sa mga pinakamatibay na artista ng ABS-CBN, sino nga ba ang mag-iisip na ang isang tulad pala niya’y mawawalan ng espasyo sa network, sugat ‘yun para sa isang sikat na aktres-TV host na tulad niya.
Masaklap ang nangyari kay Kris dahil hanggang sa huling sultada ng taon ay nagkaaberya pa sa kanyang panayam kay Pangulong Rodrigo Duterte. Mas masakit para sa kanya ang malaman na hindi nakarating sa Go Negosyo si Ka Digong, pero dumalo pala ang pangulo sa ibang aktibidad, di ba naman napakasakit nu’n?
Hindi talaga taon ni Kris Aquino ang 2016, nagtataka lang ang marami kung bakit hindi nagamot ng paniniwala niya sa feng shui ang kaganapan, walang naganap na milagro sa kanyang karera.