Juday sa bashers: Bakit ka makikialam, pinakikialaman ka ba?
MUKHANG mas nagiging palaban pa ang Teleserye Queen na si Judy Ann Santos pagdating sa pagpatol sa mga bashers niya sa social media.
Marami ang sumasang-ayon kay Juday nang sabihin nitong may pagkakataon na kailangan ding patulan at sagutin ang panlalait at pambabastos ng mga netizen, lalo na ‘yung mga below the belt na kung tumira at pati nananahimik mong pamilya ay idinadamay na.
Kamakailan lang ay may niresbakang basher ang misis ni Ryan Agoncillo na nang-okray sa kanyang katawan. Medyo mataba pa rin kasi ngayon ang award-winning actress matapos ipanganak ang bunso nila ni Ryan na si Luna.
Sa panayam ng ABS-CBN kay Juday, muli itong nagsalita tungkol sa tumitinding body shaming sa social media. Aniya, hindi raw sa lahat ng pagkakataon ay dapat lang na manahimik ang mga biktima ng cyber bullying.
“Mas malaki yung insecurity nung taong nang-body shame. Kasi kung kampante ka naman sa sarili mong pangangatawan, kampante ka sa sarili mong pagkatao, bakit mo kailangan mang-body shame?
“E, katawan niya yan e, yun ang gusto niya happy siya du’n e. Bakit ka mangingialam, pinakikialaman ka ba? Ganu’n lang naman yun,” ani Juday sa nasabing panayam.
Ang magic word pa rin daw pagdating sa pagiging responsableng netizen ay respeto, “Okay, you’re welcome to say your opinion but since this is my Instagram, this is my social media, may opinyon din akong sarili ko. Ngayon kung ‘di mo kayang tanggapin, abay umalis ka.”
Sa ngayon, patuloy na kinakarir ni Juday ang pagpapapayat, “I’m enjoying my workout, I’m enjoying my time with my kids, time with my husband. Luto lang ako nang luto.”
Hirit pa ng misis ni Ryan sa interview ni Mario Dumaual ng TV Patrol, “Nandu’n na rin siguro ako sa posisyon na hindi ako naghahanap ng kompetisyon. Nandu’n na ako sa pwesto na eenjoyin ko na lahat ‘to.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.