Ipinasususpinde ng Office of the Ombudsman si Bogo City Vice Mayor Maria Cielo Martinez ng Cebu kaugnay ng kinakaharap nitong kasong graft at malversation kaugnay ng maanomalyang paggamit ng pork barrel fund ng kanyang inang si dating Cebu Rep. Clavel Martinez.
Sa inihaing mosyon sa Sandiganbayan Fifth Division, sinabi ng Ombudsman na mayroong batayan na suspendihin si Martinez sa ilalim ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Punto ng Ombudsman nakasaad sa batas na maaari ng suspendihin ang nahaharap sa kasong graft kapag napatunayan ng korte na valid ang kaso. Hindi umano ito parusa kundi isang pagtitiyak na hindi nila maiimpluwensyahan ang kaso.
Naghain ng not guilty plea si Martinez noong Hunyo 10, 2014. Nanalo siya sa pagka-bise alkalde noong Mayo at ang kapatid niyang si Carlo ang naging mayor.
Inakusahan si Martinez ng pakikipagsabwatan sa kanyang ina, kapatid na si Celestino, dating miyembro ng Sangguniang Panlalawigan at apat na iba pa sa maanomalyang paggamit ng P10 milyong pork barrel fund ng dating kongresista.
Idineposito umano ang P11.5 milyong halaga ng pork barrel fund sa Girl Scout of the Philippines Cebu noong Setyembre 22, 2003. Ang pondo ay para umano sa illegal drg campaign ng GSP-Cebu.
Inilipat umano ang pondo sa BPI-Cebu Capitol noong Oktobre 20, 2003 at makalipas ang isang linggo ay kinuha ni Maria Cielo Martinez ang P10 milyon at ipinasok umano sa bank account ng kanyang ina.
MOST READ
LATEST STORIES