Pitong petitioner sa Marcos burial supalpal sa SC

MATAPOS ang desisyon ng Korte Suprema kung saan ibinasura nito ang mga petisyon na humaharang sa pagpapalibing sa mga labi ni dating pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte na ituloy ang proseso para rito.

Sa botong 9-5, kinontra ng mga mahistrado ng Kataastaasang Hukuman ang mga inihaing argumento ng pitong petitioner na kontra sa Marcos burial.

Nagbigay na si Duterte ng go signal sa pamilya Marcos para maihanda ang paghihimlay sa dating pangulo sa LNMB.

Sinabi pa ni Duterte na posibleng mailibing na si Marcos sa Libingan ng mga Bayani bago matapos ang 2016.

Hindi naman sumusuko ang pitong petitioner sa pagsasabing iaapela nila ang naging desisyon ng SC.

Kabilang sa pitong petitioner ay si dating Bayan Muna party-list Rep. Satur Ocampo, Albay Rep. Edcel Lagman at dating Commission on Human Rights chair Etta Rosales; grupo na pinamumunuan ni dating senador Heherson Alvarez; grupo ng mga estudyante mula sa University of the Philippines; dating Autonomous Region of Muslim Mindanao human rights chair Algamar Latiph at Sen. Leila de Lima.

Mismong si Pangulong Duterte na rin ang nagsabi na pinapatupad lamang niya ang batas kaugnay ng isyu kung saan bilang dating pangulo at dating sundalo, may karapatan si Marcos na mailibing sa Libingan ng mga Bayani.

Sinabi ng SC na hindi batayan ang pagpapatalsik kay Marcos sa pamamagitan ng people power para hindi siya payagang malibing sa LNMB gaya ng iprinisintang argumento ng pitong petitioner.

Klaro ang desisyon na pinonente ni Justice Diosdado Peralta, na walang pag-abuso sa kapangyarihan sa parte ni Pangulong Duterte nang ipag-utos niya na ilibing si Marcos sa LNMB.

Ayon pa sa SC, may kapangyarihan si Duterte na iutos ang pagpapalibing kay Marcos sa ilalim ng batas.

Inaasahan naman na sunod-sunod na maghahain ng motion for reconsideration ang pitong petitioner gaya ng nauna nilang pahayag na iaapela nila ang kautusan ng SC para baliktarin ang naging desisyon ng mayorya ng mga mahistrado.

Sa kabila naman nito, mabibigo lamang ang pitong petitioner dahil sa tiyak na walang bagong ihahaing argumento ang mga ito tulad ng paulit-ulit na sinasabing si Marcos ay diktador, maraming pinahirapan, magnanakaw at hindi isang bayani.

Dahil sa proseso sa ilalim ng batas, may karapatan ang mga petitioner na iapela ang naging desisyon ng SC, bagamat supalpal na ang mga ito sa naging desisyon ng korte.

Read more...