2016 Batang Pinoy National Finals kasado na sa Tagum

TAGUM City — Nagpaumanhin si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William “Butch” Ramirez sa lahat ng mga local government units na hindi na nito napagbigyan matapos umapaw at tuluyang magtala ng bagong rekord sa kabuuang kalahok ang isasagawa na Philippine National Youth Games-Batang Pinoy National Championships simula Nobyembre 27 hanggang Disyembre 2 sa Tagum City, Davao del Norte.

“We apologized to the LGUs that were not allowed to submit their entries beyond the deadline. The commission is concerned that if we accept even more entries, it may affect the game schedule, billeting facitlities, and other technical aspects of the games,” paghihingi ng paumanhin ni Ramirez.

Ito ay matapos na tuluyang mapormalisa ang pagsasanib puwersa ng PSC, Tagum City at Davao del Norte sa pagpirma sa tripartite memorandum of agreement sa pagitan nina City Mayor Allan Rellon at Governor Anthony Del Rosario na ginanap sa Seda Abreeza Hotel sa Davao City.

“It is good to note that this event is being supported by the Department of the Interior and Local Government (DILG) and the Department of Education (DepEd), and in partnership with the participating LGU’s. This is yet another great opportunity for the Filipino children to join in our grassroots program,” sabi ni Ramirez.

Marami pa sanang LGUs ang naghahabol makasali sa torneo na para sa mga batang atleta na may edad 17 anyos pababa na direktang tumatawag kay Ramirez matapos lumampas sa itinakdang deadline subalit hindi na matanggap ng nag-oorganisang PSC dahil na rin sa epekto nito sa pagpapatakbo sa kompetisyon.

Matapos ang huling araw ng patalaan ay kabuuang 264 LGUs mula Luzon, Visayas at Mindanao ang kumpirmadong lalahok na binubuo ng 10,922 atleta at 2,734 coaches at officials para sa bagong rekord na 13,656 magpapartisipa.

Pinakamarami sa kasaysayan ng torneo at pinakamalaking delegasyon sa team sports ang naitala sa volleyball kung saan umaabot sa kabuuang 44 koponan ang kasali sa boys division habang 26 sa girls division.

“This is definitely a happy and a welcome surprise to us despite the short notice to and preparation of the LGUs,” sabi pa ni Ramirez sa nalalapit na torneo na unang pambansang multi-sports na kompetisyon na isasagawa sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nakatakdang simulan ang Batang Pinoy sa ganap na alas-3 ng hapon sa Nobyembre 27 sa Davao Del Norte Sports and Tourism Complex na siya din pinagganapan dalawang taon na ang nakalipas ng Palarong Pambansa.

Kabuuang 24 mula sa 26 na paglalabanang sports ang isasagawa sa Tagum City kung saan tanging ang wushu at gymnastics ang maiiwan at kapwa isasagawa sa Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila.

Isasagawa ang wushu sa Ninoy Aquino Stadium sa Disyembre 5-8 habang ang gymnastics naman ay gaganapin sa Rizal Memorial Sports Complex sa Disyembre 4-11.

Paglalabanan sa Tagum City ang archery, arnis, athletics, badminton, baseball, basketball 3-on-3, boxing, chess, cycling, dancesports, judo, karatedo, lawn tennis, pencak silat, rugby football, sepak takraw, softball, swimming, table tennis, taekwondo, triathlon, volleyball, weightlifting at wrestling.

Read more...