Duterte hindi sinipot si Kris; interbyu di natuloy

HINDI nakarating si Pangulong Duterte sa nakatakda sanang one-on-one interview nito kay Kris Aquino nitong Biyernes.

Sa isang balita ng TV5, iniulat nito na masama ang pakiramdam ng pangulo kung kayat hindi ito nakarating.

Kagagaling lang ni Dutrete sa Davao mula sa pagbisita nito sa Thailand at Malaysia.

Hindi rin sinipot ng pangulo ang sana’y town hall session nito sa Davao City na inisponsor ng Go Negosyo na initiative ng Philippine Center for Entrepreneurship.

Ang sana’y interbyu ni Kris kay Duterte ay ilalabas sana sa TV5 at PTV4.

Ito rin sana ang “pasabog” ni Kris sa muling pagbabalik niya sa telebisyon mula nang mamahinga ito noong Marso.

“I was just excited just like you. I thought it would be an opportunity but may mga first date na hindi natutuloy,” sabi ni Kris sa pag-ere ng kanyang show.

Inamin niya na pinaghandaan niyang mabuti ang interview niya kay Duterte at nag-diet pa ng dalawang linggo para lang sa pagkikita sana nila ni Duterte.

“Twenty-six na lang ang bewang ko. Sisiguraduhin ko 25 sa next time na pagkikita natin,” pagbibiro nito.

Si Duterte ang pumalit kay dating Pangulong Noynoy Aquino, kapatid ni Kris.

Inamin ni Kris na kinonsulta muna niya ang kapatid bago ang sinasabing interbyu.

“Tumawag ako, sabi ko Noy, I’m alone. What do I do? Sabi niya you made a commitment. Andyan ka because you believe in the Philippine economy. Andyan ka because you want everybody to be included in the growth of the Philippine economy,” kwento nito.

Umaasa si Kris na matutuloy pa rin ang interbyu niya kay Digong sa mga susunod na araw.

“Ganun talaga ang nangyayari sa trabaho namin, minsan yung costar nagkakasakit. Hindi ko alam kung dahil sa sitwasyon ngayong linggo kaya inisnab ako,” chika pa niya.

“President Duterte, please give me a chance. I hope one day mamahalin mo pa rin ako,” pakwelang sabi nito.

Read more...